157 total views
Magsasagawa ng “Walk for Life” ang Diocese of Kalookan sa Navotas city para tuligsain ang patuloy na kawalan ng due process sa kampanya ng pamahalaan kontra droga at nagaganap na Extra Judicial Killings sa lugar.
Inaanyayahan ni Atty. Au Garcia, Head ng Council of the Laity ng Diocese of Kalookan ang mga mamamayan at iba’t-ibang organisasyon sa diyosesis na makiisa sa patuloy na paninindigan para sa kasagraduhan ng buhay.
“Kaya ito po ang panawagan namin sa mga parishioners ng different parishes in Navotas na mag-join sila at puwede din pong sumali yung mga ibang organization ng mga ibang sa Diocese of Caloocan down from Malabon and Caloocan City para po maipahayag natin ang ating saloobin na ayaw natin dito sa ganyang Extra judicial killing”pahayag ni Garcia sa panayam ng Radio Veritas.
Linggo, ika-2 ng Hulyo ganap na alas-singko ng umaga magsisimula ang Walk for Life mula San Ildefonso Parish sa Navotas East patungo sa San Jose de Navotas Church kung saan magsasagawa ng misa sa pangunguna ni Caloocan Bishop Pablo Virgilio David.
Nauna nang umapela si Bishop David sa bawat parokya na mag-report sa bilang ng mga biktima ng pagpaslang sa kanilang mga lugar kung saan una nang naitala sa Navotas City na 6 na indibidwal ang namamatay sa loob lamang ng buong magdamag o halos 5 oras.
“So ang atin pong event this upcoming Sunday, July 2- alas-singko po ng umaga ay our local version of the Walk for Life dito po sa Navotas City, ang converting point po dito sa San Ildefonso Parish sa Simbahan po dito sa Navotas East at tutungo po sa San Jose de Navotas Church na magkakaroon naman ng misa alas-sais kinse ng umaga, ang mag-mimisa po ay si Bishop Pablo Virgilio David tapos kasama ang mga lahat ng parish priest at pari ng Navotas City…” pagbabahagi ni Garcia.
Magugunitang ika-18 ng Pebrero ng isinagawa sa Quirino Grandstand ang Walk For Life na pinangunahan ng Council of the Laity ng Pilipinas sa gabay ng CBCP-Episcopal Commission on the Laity kung saan tinatayang aabot sa higit 10,000-indibidwal mula sa 17 mga diyosesis sa bansa ang nakiisa bilang pagpapakita ng paninindigan sa pagsusulong sa kasagraduhan ng buhay at maipaabot sa pamahalaan ang mensaheng ang “Yes To Culture Of Life, No To Culture Of Death”.
Noong ika-4 hanggang ika-21 ng Mayo, pinangunahan ng Simbahang Katolika at mga non-governmental organizations ang 21-day Lakbay Buhay march caravan for life na nagsimula sa Cagayan de Oro at nagtapos sa Senate of the Philippines.