217 total views
Kapanalig, ang pagpapalago ng ating mga syudad ay hindi kailangang puro kongkreto at puro sasakyan. Ang kaunlaran ng isang syudad, kapanalig, ay hindi dapat makikita sa bilang ng mga gusali o mga oto. Dapat, ang maging pamantayan natin ng kaunlaran ay ang kalidad ng ating buhay. Sa ingles, quality of life.
Kamusta nga ba ang quality of life sa ating bansa? Isa sa mga nakilalang pamantayan ng kalidad ng buhay sa mga bansa ay ang human development index (HDI) ng United Nations. Ayon sa 2016 report nito, bumaba ng isang bilang ang ranggo natin kumpara noong 2015. Noong 2016, naging pang 116 tayo sa 188 na bansa. Noong 2015, nasa pang 115 na tayo, ranggo na tumaas pa ng dalawang baytang mula noong 2014 kung saan tayo ay pang 117. Ang HDI kapanalig ay sinusukat ang mga bansa sa tatlong dimension ng human development: mahaba at malusog na buhay, access sa kaalaman o knowledge; at disenteng pamantayan ng buhay o standard of living. Sa buong mundo, nangunguna ang Norway pagdating sa HDI.
Kung tititingnan naman natin kapanalig, ang global liveability index ng Mercer, makikita natin na medyo kulelat pa rin ang ating bansa, partikular na ang Manila. Kumpara sa mga syudad sa 236 na bansa, pang 136 ang Manila kapanalig. Ang survey na ito ng Mercer ay ginagamit ng maraming kumpanya at employers upang malaman ang living conditions sa iba ibang bansa. Sinusuri nito ang ilang mga aspeto gaya ng political at social environment, economic environment, socio-cultural environment, medikal at pangkalusugan, pati na rin estado ng sector ng edukasyon, pampublikong serbisyo, at iba pa. Sa Asya, kapanalig, Singapore ang nauuna. Sa buong mundo, nangunguna ang Vienna.
Nahuhuli man tayo pagdating sa kalidad ng buhay, hindi naman tayo dapat mawalan ng pag-asa. Marami pang pagkakaton na maisasa-ayos natin ang kalagayan ng bansa. Ang HDI at Liveability Index ay isang gabay lamang. Ano nga ba ang meron sa mga nangungunang bansa? May mga ehemplo ba sila na maaring magamit sa ating konteksto? Kung susuriin, hindi ang ang mga super powers and nangunguna. Hindi lamang yaman kasi ang batayan pagdating sa kalidad ng buhay.
Kapanalig, ang pag-angat ng ating kalidad ng buhay ay isang mahalagang gawain na dapat iprayoridad ng ating bansa. Ito ay pro-poor. Ito ay pro-country. Ito ay nagsusulong ng panlipunang katarungan. Ang ating dating mahal na papa na si Pope Benedict ay may mahalagang gabay na nawa’y udyukan tayong kumilos: Within the community of believers there can never be room for a poverty that denies anyone what is needed for a dignified life (sa ating mga nananalig sa Diyos, walang puwang ang karalitaan na nagnanakaw ng dangal ng ating buhay – Deus Caritas Est).