202 total views
Binigyan ng “incomplete na grado” ng iba’t-ibang sektor at grupo ang Pangulong Rodrigo Duterte sa isang taong pamumuno sa Pilipinas.
Ipinaliwanag ni Promotions of Church People’s Response o P-C-P-R secretary general Nardy Sabino at Catholic Bishops Conference of the Philippines Permanent Committee on Public Affairs na marami pang hinihintay na pangakong pagbabago ang taong bayan na hindi pa natutupad ng pangulong Duterte.
MILITARIST
Sinabi ni Sabino na lumalakas din ang agam-agam ng taongbayan sa pagiging pasista o militarist ng pangulong Duterte at hindi rin nakitaan ng paninindigan para sa mamamayan.
Binigyan ng PCPR ang pangulong Duterte ng pinakamababang grado sa usapin ng human rights kung saan batay sa tala ng Amnesty International ay umaabot sa mahigit 3-libo ang kaso ng extra-judicial killings sa war on drugs ng gobyerno.
Pasado naman sa PCPR ang pakikipagdayalogo ng pangulong Duterte sa mga nagwi-welgang magsasaka at pagbibigay ng pabahay sa mga kasapi ng grupong KADAMAY.
FAILED
Iginiit naman ni Novaliches Bishop emeritus Teodoro Bacani na bagama’t may puso sa mga mahihirap at mga sundalo, kulang ang naging pagpapatupad ng Pangulong Duterte sa kanyang pangako sa bayan.
Tinukoy ni Bishop Bacani ang kabiguan ng pangulong Duterte sa usapin ng agrarian reform, labor, foreign policy, traffic at peace and order. “Ang peace order natin, are we better off now? Really, and why do he have to declare martial law?”pahayag ni Bishop Bacani sa panayam ng Radio Veritas.
Sa grading 1-10, 5-ang grado ni Bishop Bacani kay Pangulong Duterte. “Why 5? Una his own personal example by his words, because he is to lift up the morale and morals of a nation. Ikalawa, sa foreign policy ay napakalabo, paurong-sulong.”paliwanag ni Bishop Bacani
Pinayuhan naman ni Bishop Bacani ang pangulong Duterte na baguhin ang pabalagbag na pagsasalita, igalang ang karapatang pantao at buhay ng tao.
Anim (6) ang grado ng pangulong Duterte kay Father Jerome Secillano, executive secretary ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP)-Permanent Committee on Public Affairs.
Subalit nilinaw ng pari na ang grade ay hindi sumasalamin sa epekto ng mga nagawang programa ng pangulo dahil wala pa namang natatapos, marami pa ang hindi nasisimulan.
“We are actually grading the president because of the initiative that he has undertaken. But the grade does not reflect dun sa impact or effect ng mga initiatives na ginawa niya kasi wala pa. But at least, the government or President Duterte is doing something, hindi naman lahat ng ginawa niya ay masama, nandoon naman yung mga mabubuting proyekto na ginawa niya,” ayon kay Fr. Secillano sa panayam ng Radio Veritas.
Iginiit naman ni Kalikasan People’s Network for the Environment coordinator Clemente Bautista na may positibo at negatibong nagawa ang administrasyong Duterte para sa environment.
Ikinatuwa ng mga green groups ang aktibong paglaban ng Department of Environment and Natural Resources sa mga mapang-abusong mining companies ngunit naantala ng maalis sa puwesto si secretary Gina Lopez.
Ikinababahala ni Bautista ang patuloy na pag-iral ng impluwensya ng mga mayayamang mamumuhunan sa pamamagitan ng pagpapakalat ng kanilang salapi na naging sanhi ng tunggalian sa pagitan ng mga miyembro ng gabinete ng pangulong Duterte.
Pinuna naman ni Msgr. Jerry Bitoon, Head ng Ecology Ministry of the Diocese of San Pablo, sa Laguna ang pag-iral ng interes at pagpapapogi lamang ng Laguna Lake Development Authority kay pangulong Duterte kaugnay sa paglilinis at pag-alis ng mga fishpen at cages sa 90,000 hektaryang Laguna lake.
Gayunman umaasa pa rin ang Pari kaisa ang kanyang mga kababayan na muling bibigyang pansin ng Pangulo sa kanyang ikalawang State of the Nation Address ang suliranin ng maliliit na mga mangingisdang umaasa sa lawa ng Laguna.
Pasado naman kay University of Asia and the Pacific Prof. Bernardo Villegas ang performance ng pangulong Duterte.
“85 is more than a passing grade. I won’t give him an over 90 because marami pang mga traffic problems, marami pa not to mention Marawi, etc. So there are still problems but I think the President is able to address them with political will.”pahayag ni Villegas
Sa palitan ng administrasyon noong 2016, naitala ang Gross Domestic Product o GDP growth sa 6.8-percent mas mataas sa 6.6-percent ng China, 6.5-porsiyento ng Vietnam, 5.1-porsiyento ng Indonesia at ilan pang mga bansa sa Asya.
Mababatid pa sa ulat ng World Bank’s Global Economic Prospects 2017 na pang-sampu ang Pilipinas sa mga bansa sa buong mundo na nakapagtala ng mabilis na paglago ng ekonomiya kung saan inaasahang aakyat sa 6.5% hanggang 7.5% sa mga susunod na taon.
Sa kasalukuyan, inaabangan ng Simbahan ang pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng mga armadong rebelde, pagpapahalaga sa human rights, foreign policy, at pagpapatayo ng mga imprastraktura tulad ng mga paliparan, pantalan at mass transport na makakatulong sa paglago ng ekonomiya ng bansa.
Naniniwala naman ang simbahan na ang tunay na pag-angat ng ekonomiya ng bansa ay masasalamin sa epekto nito sa mas nakakaraming mamamayan.
Sa kanyang TED Talk, ibinahagi ng Kanyang Kabanalan Francisco na kaakibat ng kapangyarihan ng isang pinuno ang mabigat na responsibilidad na pangalagaan ang kanyang nasasakupan ng may pagmamahal at pusong mapagkumbaba.