175 total views
Naninindigan ang Arsobispo ng Archdiocese of Iloilo na magsisilbing warning sa iba pang mga pari ang suspension ng isang pari ng Arkidiyoses dahil sa treasure hunting.
Inihayag ni Jaro Archbishop Angel Lagdameo na pansamantalang hindi makakapagdiwang ng banal na misa si Father Nelson Silvela, ang kura-paroko ng San Joaquin parish sa lalawigan ng Iloilo.
Nilinaw ni Archbishop Lagdameo na walang permit mula sa national heritage at Archdiocese of Jaro ang ginawang paghuhukay o treasure hunting na pinangunahan ng suspendidong pari sa isang sementeryo sa kanyang parokya.
Iginiit ng Arsobispo na hindi dapat nangyari ang paghuhukay sa sementeryo dahil marapat na igalang na lugar para sa mga nakalibing doon.
Tiniyak ni Archbishop Lagdameo na magpapatuloy ang pagsisiyasat ng Arkidiyoses at pinag-aaralan pa kung hanggang kailan ang suspension ng pari sa kanyang pagsasagawa ng mga sakramento bilang pari tulad ng banal na misa.
“By the very fact, it should become a warning that there should not do the similar thing sa ibang mga pari… hindi naman ‘yan bahagi ng trabaho at dapat may kaalaman dito ang national heritage at ang archdiocese beforehand,” paglilinaw ni Archbishop Lagdameo sa Radio Veritas.