843 total views
Labis ang pasasalamat ng Diocese of Iligan sa mga tulong na dumarating mula sa iba’t-ibang institusyon ng Simbahang Katolika para ipamahagi sa mga Internally Displaced Persons na lubhang apektado ng kaguluhan sa Marawi.
Ayon kay Fe Salimbangon, Social Action Coordinator ng Diocese of Iligan, kasalukuyan silang nagsasagawa ng liquidation sa mga tulong na ibinahagi sa kanila ng iba’t-ibang grupo.
Bagamat kulang sa manpower, aminado si Salimbangon na hindi maaring ipagwalang bahala ng Diocese ang maayos na liquidation and accountability para matiyak sa mga donors na nakakarating at naipapamahagi sa Marawi bakwits ang mga tulong.
Unang nagbahagi ang Caritas Manila ng P500 libong piso at 100 cavan ng bigas habang pinoproseso ang pagpapadala muli ng P500-libong pisong cash para sa patuloy na relief at rehabilitation program ng Diocese of Iligan.
Tumulong din ang Caritas Philippines, Catholic Relief Services, Diocese of Tagbilaran, Diocese of Tagum, Butuan, Archdiocese of Ozamis at Zamboanga sa Diocese of Iligan para sa mga biktima ng digmaan sa Marawi.
Inihayag ni Diocese of Iligan outgoing Social Action Director Father Albert Mendez na ang pagtutulungan ay pagpapakita lamang ng masigasig na pakikiisa at pag-alalay ng Simbahang Katolika maging sa mga kapatid nating Muslim.
Nauna rito, personal na namahagi ng tulong ang Caritas Manila, Diocese of Iligan at Radio Veritas sa mga lumikas na residente ng Marawi na nasa mga evacuation center.
Read: Simbahan, naghatid ng tulong sa Marawi bakwits
Batay sa datos, mahigit sa 78 libong pamilya ang apektado ng kaguluhan sa Marawi City kung saan dumarami na rin ang bilang ng mga nasawing evacuees sa iba’t-ibang evacuation centers sa Iligan.