201 total views
Pinaalalahanan ni Diocese of Marbel Bishop Dinualdo Gutierrez ang mga mananampalataya na maging tapat sa iniatas na tungkulin ng Panginoon na maging tagapangalaga ng kalikasan.
Ayon sa Obispo, sa pamamagitan ng pangangalaga sa kalikasan, maibabalik ang dating balanse ng kalikasan at maiiwasan ang pagkakaroon ng extreme weather conditions na dulot ng Global Warming.
Hinikayat naman ni Bp. Gutierrez, ang mga mananampalataya na panatilihin ang pananalig sa Panginoon sa kabila ng kalamidad na pinagdadaanan ng kanilang Diyosesis dahil sa tagtuyot.
“We should always be faithful to our role as stewards of God’s creation. Let us protect our planet Earth, our home, plant trees, and collect all the garbage, at saka becareful of the water, use it judiciously, and of course we continue praying.” Pahayag ng Obispo sa Radyo Veritas.
Batay sa ulat ng PAGASA 68 sa 81 mga probinsya sa buong bansa ang makararanas ng epekto ng El Niño ngayong Abril, kabilang na dito ang South Cotabato sa ilalim ng Diocese of Marbel. Sa kasalukuyan anim na lalawigan sa bansa ang nakararanas ng dry condition; 20 ang nakararanas ng Dry spell, at 30 lalawigan na karamihan ay mula sa Mindanao ang naaapektuhan ng drought o matinding tagtuyot.
Una na ring hinikayat ng kanyang kabanalan Francisco ang bawat isa na pangalagaan ang kalikasan upang hindi na dumami pa ang nagiging biktima ng extreme weather conditions na dulot ng nagbabagong klima.(Yana Villajos)