257 total views
Mga Kapanalig, patuloy na ipinapanalangin ng buong bansa ang pagtigil ng labanan sa Marawi na nagsimula pa noong Mayo 23 at nagpalikas sa humigit-kumulang 300,000 tao mula sa kanilang mga tahanan. Sa huling talâ, lampas 400 na ang nasawi sa digmaang ito, kasama ang 44 na sibilyan at 75 na mga sundalo at pulis. Ang mga nagsilikas sa iba’t ibang bayan ay masidhing nagsusumamo na itigil na ang labanan at ang araw-araw na pagkawasak ng mga tahanan at ari-arian sa kanilang minamahal na lungsod, na siyang pangunahing “Islamic city” ng Pilipinas.
Paano nga kaya babangon ang lungsod ng Marawi mula sa pagkawasak na tinamo nito mula sa digmaang hanggang sa araw na ito ay patuloy sumisira sa buhay, mga ari-arian, at kinabukasan ng mga taga-Marawi?
Sa kabila ng pangako ng pamahalaang maglalaan ito ng 10 bilyong piso para sa rehabilitasyon ng Marawi, mas malaking hamon ang pagpapanumbalik ng kapayapaan hindi lang sa Marawi kundi sa iba pang bahagi ng Mindanao na nababalot ng karahasan at digmaan. At hindi ito magiging madali. Dahil sa pagkasira ng kanilang lungsod, maraming Maranao ang maaaring madismaya sa pamahalaan. Nakadaragdag pa sa kawalan ng tiwala ng mga Moro sa pamahalaan ng Pilipinas ang mabagal na pag-usad ng pagpasá sa Bangsamoro Basic Law o BBL. Sinasabi ng mga eksperto sa Mindanao na ang pagkabuo ng Abu Sayyaf, ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters o BIFF, at ng grupong Maute ay resulta ng napakabagal na proseso at kawalan ng malinaw na direksyon ng sunud-sunod na pakikipag-usap sa pamahalaan ng iba’t ibang mga grupong Moro tulad ng MNLF at MILF. Maraming mga kabataan raw ang naaakit na sumama sa mga grupong tulad ng Abu Sayyaf, BIFF, at Maute dahil na rin sa pananaw nilang talagang walang malasakit ang pamahalaan sa mga Moro at walang kahihinatnan ang mapayapang pag-uusap.
Mga Kapanalig, ipinahihiwatig ng mga kaganapang ito na ang higit na mahalagang maitayong muli ay hindi ang mga gusali, kalsada, at kabahayang nawasak ng digmaan, kundi ang tiwala ng mga kapatid nating Moro sa ating pamahalaan. Mahalagang bahagi ng pagpapanumbalik ng tiwala ng mga Maranao sa pamahalaan ang rehabilitasyon ng Marawi sapagkat ipapakita nito ang malasakit at pagpapahalaga ng pamahalaan sa kanila. Subalit hindi ito sapat. Kailangang mabilis na maibigay sa mga Moro ang matagal na nilang hangaring magkaroon ng ganap na awtonomiya sa pagpapatakbo ng isang rehiyong Bangsamoro. At ito ay maaaring maganap sa mabilis na pagpasa sa BBL.
Ang hinihingi sa atin, mga Kapanalig, upang makatulong sa pagbangon ng Marawi at sa pagpapalaganap ng kapayapaan sa Mindanao ay ang pakikipagkaisa natin sa hangarin ng mga Moro para sa awtonomiya. Dito natin mapagtatanto ang katotohanan sa turo ng Santa Iglesia—na ang kapayapaan ay bunga ng pakikipagkaisa. “Peace is the fruit of solidarity,” wika nga ni St John Paul II sa kanyang encyclical na Sollicitudo Rei Socialis. Sa madaling salita, kapag may pakikipagkaisa ang mga kasapi ng isang lipunan at may pagkakaunawaan at malasakit sila sa isa’t isa anuman ang kanilang relihiyon, katatayuan sa buhay, o bayang pinagmulan, uusbong ang tunay na kapayapaan.
Masalimuot ang usapin ng BBL subalit kailangan itong bigyang-prayoridad ng Kongreso at ng Ehekutibo kung nais nating maitayong muli ang tiwala ng mga kapatid nating Moro sa ating pamahalaan. Ang pangkaraniwang mga Pilipino ay kailangan ding magpakita ng malasakit at pakikiisa sa hangaring ito ng mga Moro nating kababayan. Hikayatin natin ang ating mga mambabatas na pagtuunan ng pansin ang pagpasa sa BBL kapag ito ay muling maiparating sa Kongreso. Bilang mga mamamayan, unawain at kilalanin nating matagal nang uhaw sa katarungan at malasakit ang mga kapatid nating Morong hindi nakatitikim ng tunay na kaunlaran sa kanilang lupang tinubuan.
Sumainyo ang Katotohanan.