265 total views
Itinuturing ni Balanga Bishop Ruperto Santos, Chairman ng CBCP – Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People na isang magandang indikasyon ang malaking pagtaas ng bilang ng mga Overseas Filipino Workers na nagpatala para sa nakatakdang halalang pambansa.
Paliwanag ng Obispo, isang indikasyon ang pagpaparehistro ng mga OFW sa kanilang kamalayan sa kasalukuyang kalagayan at mga kaganapan sa Pilipinas.
Dagdag pa ni Bishop Santos, nangangahulugan ito ng aktibong partisipasyon at pagnanais na makisangkot ng bawat Filipino saan mang panig ng mundo, sa pagpili ng karapat-dapat na lider ng bansa na hindi lamang tututok sa ilang mga usaping panlipunan kundi pangkabuuang kalagayan ng bawat Filipino maging sa ibayong dagat.
“’Yung malaking bilang ng mga Filipinong OFW na nagparegistered na maging botante, ‘yun ay nagpapahalaga lang talaga na aware na aware na sila sa kalagayan sa Pilipinas at gusto nila na sa nangyayari sa Pilipinas ay magkaroon sila ng pagkakataon na makisali, na ibig sabihin ay sila ngayon ay dapat pumili ng tama at mabuting mamumuno na kung saan may programa sa Pilipinas at programa rin para sa kanila,… para sa ganun ay alam natin na hindi na kinakailangan pang mapilitan, mapwersa na umalis…” pahayag ni Bishop Santos sa panayam sa Radio Veritas.
Sa tala, tumaas ng 100 porsyento ang bilang ng nagpatala ngayong taon kumpara noong 2015 kung saan mahigit 400-libong OFW ang mga bagong rehistradong botante.
Batay sa pinakahuling datos ng Commission on Elections, umabot sa higit 54.6 na milyon ang rehistradong botante habang umabot naman sa higit 1.38 milyon ang Overseas absentee voters mula sa iba’t ibang bansa.
Ayon Department of Foreign Affairs – Overseas Voting Secretariat, ito na ang maituturing na isa sa pinakamaraming bilang ng mga botanteng nagpatala sa kasaysayan ng mga rehistradong Overseas Voter.
Samantala ayon sa Center for Migrant Advocacy Philippines, aabot sa 5-libong mga Pilipino ang lumalabas ng bansa kada araw na kung susumahin ay tinatayang aabot sa kabuuang 1.8-milyong Pilipino kada taon ang lumalabas at nangingibang bansa upang maghanapbuhay.