335 total views
Hindi lamang ang pananalangin para sa kapayapaan at para sa buhay ang dapat magkaisang gawin ng mga mamamayan kundi maging ang pagtatama sa mga maling ideyolohiya na kumakalat sa lipunan.
Ito ang panawagan ni Rev. Father Carlos Reyes, executive secretary ng Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commission for Inter-Religious Dialogue kaugnay sa pagkalat ng ideyolohiya ng terorismo lalo na ng ISIS sa Pilipinas.
Ayon sa Pari, dapat na magsama-sama ang bawat Filipino mapa-Kristiyano Katoliko man o hindi upang tulungan ang mga kapatid na Muslim laban sa pagkalat ang ideyolohiyang sumisira sa persepsiyon ng mga mamamayan sa pananampalatayang Islam.
“Kailangang tulungan po natin ang mga kapatid natin, mga kaibigan natin na Muslim upang maituwid itong ideyolohiya na hindi naman tinatanggap ng karamihan ng mga Muslim yung ideyolohiya ng ISIS, so kailangan talagang manalangin tayo at yung panalangin natin ay talagang para sa kapayapaan hindi para sa kamatayan, hindi para maging exclusive yung ibang mga hindi kasama sa ating paniniwala, lahat tayo ay mga tao na nilalang ng Diyos…”pahayag Father Reyes sa panayam ng Radio Veritas.
Ipinaliwanag ng Pari na ang pananalangin para sa bayan ay dapat para sa pangkabuuan at hindi lamang para sa iilang sektor o kaparehong denominasyon sapagkat bawat isa ay pareho-pareho nilalang ng Diyos.
Matatandaang binigyang diin ni Pope Francis na walang anumang relihiyon ang nagtuturo ng karahasan at pagdudulot ng kapahamakan sa kapwa.
Kaugnay nito sa tala ng Philippine Statistics Authority o PSA noong 2011, may tinatayang 82.9 na porsiyento ng kabuuang populasyon ng Pilipinas ay mga Katoliko habang may 5-porsyento naman ang mga Muslim na karamihan ay nasa rehiyon ng Mindanao.