486 total views
Pananagutin ng Kalikasan People’s Network for the Environment ang DMCI Power Corporation sa pang-aabuso nito sa kalikasan at sa mga residenteng naapektuhan ng kalamidad na idinulot ng kanilang mining operations.
Bilang pagbibigay diin sa 21st Anniversary ng Mining Act of 1995, hinamon ni Clemente Bautista, National Coordinator ng KPNE ang DMCI na itigil na ang pagmimina sa mga lalawigan ng Antique, Zambales, Palawan at iba.
Ayon kay Bautista, labis na pagkasira hindi lamang sa kalikasan kundi sa buhay ng pamayanan na umaasa sa agrikultura ang idinulot ng mga pagmimina, kaya naman marapat lamang na pagbayaran ito ng kumpanya.
“Dapat maging accountable, panagutan nila, yung mga pagkakasala nila sa kalikasan, sa mga mamamayan, partikular din kinakailangang isara na nila yung operasyon dito sa Zambales kung saan malawakang nagdulot ng baha na may kasamang putik kung saan natabunan yung mga bahay at yung mga bukirin nung mga Zambaleños, malaking bahagi dito na may kasalanan yung operasyon ng DMCI.” Pahayag ni Bautista sa Radyo Veritas.
Dagdag pa ni Bautista, kinakailangan ding pigilan ang planong expansion ng DMCI sa mga mining facilities nito sa Palawan at Batangas.
Sa pagsisiyasat ng Center for Environmental Concerns – Philippines, 1.8 hektaryang bukid sa Sta. Cruz Zambales ang natabutan ng may 6, 475 cubic meters na putik na kung susumahin ay makakapuno ng 675 na mga truck.
Taong 2006 nang magsimula ang pagmimina ng Nickel at Chromite sa lalawigan, bumaba ang kita ng mga residenteng tanging sa agrikultura lamang umaasa.
Noong 2009, naging 7,000 piso hanggang 10,800 piso, ang dating 44,000 piso hanggang 60,800 pisong kita ng mga magsasaka.
Katumbas ito ng dating 100 hanggang 120 kaban ng bigas na ngayon ay 75 hanggang 80 kaban na lamang.
Samantala, mula sa 50 kilong isda na nahuhuli noong taong 2000, sa kasalukuyan ay nasa limang kilo nalamang, o kung talagang minamalas ay wala nang nahuhuli ang mga mangingisda.
Bukod dito, tumaas din ang naiulat na bilang ng mga nagkakasakit ng hika dahil sa 200 hanggang 300 mga truck na naglululan ng nickel at lupang mayaman sa mineral na dumadaan ng dalawa hanggang tatlong beses sa isang araw sa mga komunidad.
Sa ulat ng CEC Philippines apat na kumpanya ng minahan na may Mineral Production and Sharing Agreement (MPSA) ang patuloy na nagsasagawa ng operasyon sa 12,000 hektaryang lupain ng munisipalidad.
Ito ang Zambales Diversified Mining Corp. (ZDMC) na pagaari rin ng DMCI Mining Corporation, Filipinas Mining na pagaari rin ng LnL Archipelago Mining Incorporated, Benguet Nickel Mining Inc., at Eramen Minerals Corp.
Ayon sa CEC Philippines dinadala sa China at dito pinoproseso ang mga Chromite, Nickel at iba pang lupang mayaman sa mineral.
Samantala, ikinadismaya ng kanyang Kabanalan Francisco ang ganitong gawain ng mga kumpanya.
Sa Ensiklikal na Laudato Si, pinuna ni Pope Francis ang hindi makatarungang gawain ng mga multinasyonal na kumpanyang mula sa mga maunlad na bansa o First Wolrd Countries.
Aniya pagkatapos ng kanilang mga aktibidad, sa kanilang paglisan ay nag iiwan sila ng malalaking pasanin sa mga tao at sa kalikasan tulad ng kawalan ng trabaho, mga bayang inabandona, pagkaubos ng likas na pagkukunan, pagkakalbo ng kagubatan, pagkalugi ng agrikultura at paghahayupang lokal, mga bukas na hukay, uka-ukang burol, maruruming ilog at maliliit na serbisyong panlipunan na hindi na maaaring mapagpatuloy.