242 total views
Tiniyak ng Philippine National Police Chaplain service ang pagpapaigting at pagpapalawak ng “values at spiritiual formation” sa mga kawani ng pambansang pulisya gayundin sa kanilang pamilya na nangangailangan ng gabay.
Ito ang pangako ni PNP–Chaplain Service Deputy Director Police Senior Superintendent Rev. Father Lucio Rosaroso Jr. sa pagdiriwang ng kanilang ika-25 anibersaryo.
Lubos din ang pasasalamat ni Father Rosaroso sa mga sumuporta sa kanilang ministry sa nakaraang 25-taon.
“Ang PNP-Chaplain Service po ay nagdiriwang ng 25 Anniversary celebration today at nagpapasalamat po kami sa mga suporta sa aming mga faith based groups all over the Philippines na talagang sumusuporta sa mga programa ng PNP-Chaplain Service especially sa aming flagship projects and of course sa values formation sa ating men and women in uniform including their dependents, their families and giving counseling to them especially those who are in need of shall we say counseling…”pahayag ni Father Rosaroso sa panayam sa Radio Veritas.
Kaugnay nito, itinuturing ng PNP chaplain service na milestone ang kanilang isusulong na programang “U-S-A-P” o Ugnayan ng Simbahan at Pulisya upang mas matutukan spiritual transformation o pagpapabago sa pananaw ng nasa 180-libong mga kawani ng P-N-P sa kanilang misyon na protektahan ang lipunan sa isang makataong pamamaraan.
“Ang isa sa mga milestones namin ay itong USAP (Ugnayan ng Simbahan at Pulisya) because we need na pag-igtingin pa namin ngayon itong mga activities namin, mga programs namin to bring about change and transformation to our men and women in uniform to be God-centered, service-oriented and family based…” pagbabahagi pa ni Father Rosaroso.
Umaapela naman ang pari ng patuloy na suporta at panalangin sa pagpapatuloy ng misyon ng PNP-Chaplain Service na gabayan ang hanay ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas.
Sa temang “CHS at 25”: Tuloy-tuloy ang paghubog ng mabuting asal ng kapulisan tungo sa tunay at ganap na pagbabago ang tema ng ika-25 anibersaryong pagdiriwang.
Binigyang parangal din sa anibersaryo ang mga Outstanding Chaplain Service Personnel hindi lamang sa National Headquarters kundi maging sa Regional Chaplain Service sa buong bansa.
Pinarangalan din ang mga indibidwal mula sa iba’t ibang grupo dahil sa kanilang kontribusyon sa PNP-Chaplain Service lalo na sa mga usaping moral at ispiritwal.