256 total views
Hinamon ng mga magsasaka si Pangulong Rodrigo Duterte na talakayin sa kanyang State of the Nation Address (SONA) sa Lunes ika-24 ng Hulyo ang mga suliraning kinakaharap ng sektor ng agrikultura sa Pilipinas.
Ayon kay Captain Rolly Martinez, pangulo ng Samahan ng mga Magsasaka ng Barangay Sumalo, hindi sapat ang mga programa ng pamahalaan upang matugunan ang mga problemang dinaranas ng maliliit na magsasaka partikular na ang karapatan sa lupang kanilang sinasaka.
“Sana naman po maaawa kayo sa mga kagaya naming magsasaka at maaksyunan na ang aming mga hinaing. Dito lang po kami[sa pagsasaka] nabubuhay at wala po kaming ibang ikabubuhay maliban dito. Sana magkaroon din po ng programa lalong lalo na sa mga magsasaka dahil dito tayo kumukuha ng pagkain,” panawagan ni Martinez.
Idinagdag pa ni Matinez na sa kabila ng paglaan ng mataas na budget sa larangan ng agrikultura kung saan tumanggap ng P45.2 bilyon ang Department of Agriculture habang P9.8 bilyon naman sa Department of Agrarian Reform ay patuloy pa ring naisasantabi ang mga maralitang magsasaka.
Kaugnay nito ay umaasa ang Sumalo Framers kasama ang Save Agrarian Reform Alliance (SARA), National Secretariat for Social Action (NASSA) na mabigyan ng pagkakataon upang makadala sa SONA ng pangulo at personal na maipaabot sa pangulo ang social injustice na kanilang nararanasan.
Sa kasalukuyan, patuloy na inilalaban ng Sumalo farmers ang kanilang karapatan sa lupa na inaangkin ng maipluwensiyang negosyante.
Read: Pakikisabwatan ng DAR Bataan sa isang development corporation, inalmahan
Patuloy namang ipinaalala ni Pope Francis na kaakibat ng paglago ng ekonomiya ng isang bansa ay ang pangangalaga sa karapatan ng maliliit na tao sa lupang kanilang tinubuan at pakikinig sa hinaing ng mga naisasantabi ng lipunan.