163 total views
Mga Kapanalig, ayon sa panlipunang katuruan ng Simbahan, ang pagbabahaginan ng buhay (o life) at ng ating mga pinahahalagahan (o values) ang pangunahing katangian ng isang sambayanan. Sa mga ito umuusbong ang ating hangaring makipagkaisa sa ispiritwal at moral na antas.
Ito marahil ang batayan ng pananaw ng namayapang paring Heswita at sociologist na si John J. Carroll. Aniya, “When the basic values of a people are flagrantly violated, the people must rise up and demand punishment—not out of revenge but simply to reassert and vindicate those values. Else the values themselves become simply matters of personal preference.” Sa wikang Filipino: Kapag lantarang nilalabag ang mga pinahahalagahan (o values) ng isang sambayanan, nararapat silang manindigan at hilinging maparusahan ang mga lumabag—hindi upang makapaghiganti ngunit upang igiit at ipagtanggol ang kanilang mga pinahahalagahan. Kung hindi, mauuwi sa personal na pagkiling ang pagpapahalagang ito.
Anu-ano nga ba ang mga pinahahalagahan nating mga Pilipino bilang isang sambayanan? Sa mga pagkakataong may mga banta sa mga ito, ano ang ating ginagawa?
Halimbawa, nagpapatuloy pa rin ang mga pagpatay bunsod ng kampanya ng pamahalaan kontra iligal na droga. Layunin ng kampanyang solusyunan ang problema ng droga sa ating bayan, kahit pa man marahas ang paraan ng pagpapatupad nito. May mga nagsasabing mahigit 10,000 na ang namatay, at sa likod ng mga kasong ito ay ang mga pamilyang nangungulila, mga anak na nawalan ng magulang, at mga pamayanang pinaralisa ng takot. Ngunit may mga kababayan tayong hindi na inaalintana ang mga buhay na nawala at ang epekto nito sa kanilang pamilya at pamayanan. Hindi na nila iniisip pa kung alinsunod sa proseso ng batas ang ginawang pagtugis sa mga pinaghihinalaang gumagamit at nagtutulak ng droga. Para sa kanila, mas mahalagang mawala na ang mga adik at kriminal. Mas mahalagang ligtas ang kanilang pakiramdam.
Isa pang halimbawa, may mga kababayan pa rin tayong naniniwalang hindi sapat na ikulong lamang ang mga nakagawa ng karumal-dumal na krimen. Katwiran nila, kung buhay ang kinuha, buhay din ang dapat na kabayaran. Kaya naman hindi nakapagtatakang may mga Pilipinong pabor na ibalik ang parusang kamatayan o death penalty. O kahit extra-judicial killing, gaya ng nangyari sa mga suspek sa pagpatay sa isang pamilya sa Bulacan, ay katanggap-tanggap para sa ilan sa atin. Hindi na sila naniniwalang may pag-asa pang magbago ang sinumang nakagawa ng mali. Para sa kanila, mas mahalagang maipaghiganti ang mga biktima at sa paraan lamang na ito sila mabibigyan ng katarungan.
Maaari rin nating tanungin: ano ang kahulugan ng kapayapaan para sa atin? Sa Marawi City, hindi pa rin natatapos ang bakbakan sa pagitan ng puwersa ng pamahalaan at ng grupong Maute. Marami sa mga bakwit ang wala nang mababalikang mga bahay, tindahan, at paaralan. Ngunit para sa ilang hindi taga-Marawi, kailangang magpatuloy ang pagtugis sa mga nagkakalat ng terorismo sa Marawi kahit pa kaakibat nito ang pagbomba at airstrikes. Sinisi pa nga ng ilan nating kababayan ang mga Maranao dahil kinupkop nila umano ang Maute group. Para sa kanila, hindi na baleng mawasak na ang lungsod, basta’t maubos lamang ang mga kasapi ng Maute group at hindi na umabot sa kanilang lugar.
Mga Kapanalig, ano ang sinasabi ng ilang halimbawang ito tungkol sa mga pinahahalagahan natin bilang isang sambayanan? May mangilan-ngilang umaalma dahil sa tingin nila, nilalabag ng mga patakaran at prayoridad ng kasalukuyang pamahalaan ang halaga ng buhay ng tao, ang tunay na katarungan, at pangmatagalang kapayapaan. Tila naman mas malakas ang suporta sa mga ito ng ilan nating kababayan, kaya’t patuloy ang pamahalaan sa pagpapatupad ng Oplan Tokhang, sa pagsusulong ng death penalty, at martial law sa buong Mindanao. Ngunit mas marami sa atin ang piniling manahimik at hindi makialam.
Nakakatakot isiping baka wala pala tayong pinahahalagahan bilang isang sambayanan. Hatî ang ating bayan ngayon, at ito ang tunay na “state of the nation.”
Sumainyo ang katotohanan.