164 total views
Mga Kapanalig, bago pa sumapit ang inaasahang pagtatapos ng batas militar sa Mindanao noong Sabado, Hulyo 22—o sa ika-60 araw mula nang ideklara ito noong Mayo 23—hiniling na ni Pangulong Duterte sa Kongreso na palawigin pa ang pagpapatupad ng batas militar at ang suspensyon ng privilege of the writ of habeas corpus hanggang sa katapusan ng taóng kasalukuyan. Katwiran niya, hindi sapat ang dalawang buwan upang lubusang mapuksa ang grupong Maute at upang mapigilan ang banta ng terorismo sa Mindanao. Naniniwala siyang kailangan ang batas militar upang maipagpatuloy ang pagtugis ng ating mga sundalo sa mga kasapi ng teroristang grupo.
At nitong Sabado nga, matapos ang halos pitong oras na deliberasyon, inaprubahan ng Kongreso ang pagpapalawig ng batas militar sa Mindanao hanggang ika-31 ng Disyembre ngayong taon. Sa 279 na mga congressman at senador na dumalo sa special joint session, 18 lamang ang tumutol. Inaasahan na ang ganitong resulta dahil kaalyado ni Pangulong Duterte ang mayorya ng mga mambabatas.
Ngunit sa kabila ng ingay ng mga sumusuporta sa martial law sa Mindanao, may mga kababayan tayong hindi kumbinsidong kailangan ng batas militar upang tapusin ang krisis sa Marawi. At taliwas sa paniniwala ng marami na mga taga-Maynila ang tutol sa martial law, mga taga-Marawi mismo ang mga nananawagang huwag nang palawigin ang batas militar sa Mindanao. Isa rito si Samira Gutoc-Tomawis, isa sa mga convenor ng Ranao Rescue Team. Binigyan siya ng pagkakataong magsalita sa special joint session kung saan inilarawan niya ang hirap na nararanasan ng mga bakwit sa mga evacuation centers, ang matagalang pagkuwestyon sa mga pinaghihinalaang miyembro ng grupong Maute, ang kawalan ng privacy para sa mga kababaihang Muslim, at ang kawalan ng pagkakataong mailibing nang may dignidad ang mga namatay nilang kamag-anak. Nais na nilang umuwi sa kanilang tahanan, nais na nilang bumalik sa kanilang bayan. Subalit hindi ito naging sapat upang makumbinsi ang ating mga mambabatas na hindi na palawigin pa ang martial law sa Mindanao.
Linawin natin, mga Kapanalig, na may martial law man o wala, magagawa ng ating Sandatahang Lakas na magsagawa ng operasyon upang tugisin ang grupong Maute. Ngunit binibigyang-katwiran ng pagpapalawig ng martial law ang militar na solusyon sa krisis sa Marawi. Ang mas nakalulungkot pa, mga Kapanalig, marami sa mga mambabatas natin—maging sa ating mga kababayan—ang pabor sa pagpapa-iral ng martial law sa buong Mindanao dahil sa sinasabing mabuting bunga nito sa ibang taga-Mindanao. Kailangan daw ito upang mapanatiling payapa at ligtas ang mga mamamayan sa ibang lugar sa Mindanao. Kailangan daw ang batas militar upang hindi na lumabas pa ng Marawi ang gulóng dala ng Maute group. Isinasantabi ng ganitong pangangatwiran ang matinding hirap na nararanasan ng mga kababayan nating kinailangang lumikas mula sa Marawi at tumutuloy ngayon sa mga evacuation centers. Ituturing din kaya silang “collateral damage” lamang sa ngalan ng kapakanan ng mas nakararami?
Ang hindi pakikinig sa boses ng mga maliliit sa ating lipunan—katulad ng mga kababayan nating bakwit—habang ginagawang prayoridad ang pagtiyak sa sariling kaligtasan at maginhawang buhay ay sumasalamin sa tinatawag natin sa Ingles na “indifference” o kawalang-malasakit. Sa Evangelii Gaudium, sinabi ni Pope Francis na inaalis ng paghahangad para sa pansariling kabutihan at pagsasantabi sa iba ang ating kakayahang pagmalasakitan ang ating kapwa. Dahil sa kawalang-malasakit, hindi natin kayang tumangis para sa sakit at hirap na nararanasan ng iba. Inaalis rin nito sa atin ang pakiramdam na kailangan nating tumulong dahil iniisip nating tungkulin ng ibang taong magbigay ng tulong. Ikaw Kapanalig, naisip mo na ba kung gaano kahirap ang kalagayan ng mga bakwit?
Mga Kapanalig, hindi matatapos ang pagdurusa ng mga bakwit kahit pa matapos ang extension ng batas militar sa Mindanao. Magpapatuloy ito kung ang kanilang mga lider at kapwa-Pilipino ay magbibingi-bingihan sa kanilang pakiusap at magbubulag-bulagan sa hirap na kanilang pinagdaraanan.
Sumainyo ang katotohanan.