151 total views
Mga Kapanalig, sa pagbubukas muli ng sesyon ng Kongreso noong Lunes, asahan nating tatalakaying muli ang panukalang batas na naglalayong ipagpaliban ang halalang pambarangay sa susunod na taon sa halip na isagawa ito ngayong 2017.
Matatandaang noong Marso, nagmungkahi si Pangulong Duterte na magtatalaga siya ng mga OIC o officer-in-charge sa mga barangay. Nangangamba raw kasi siyang maimpluwensiyahan ng mga drug lords ang barangay elections kung gagawin ito ngayong taon, at hindi ito makatutulong sa kampanya ng pamahalaan laban sa iligal na droga. Sabi pa niya, 40% daw ng mga barangay sa Pilipinas ay apektado ng problema sa droga, at konektado umano ang karamihan sa mga kapitan o kagawad sa mga nagtutulak ng droga. Sa panayam kay House Speaker Pantaleon Alvarez kamakailan, sinabi niyang hindi magdadalawang-isip ang ating mga mambabatas sa Mababang Kapulungan na ipasá ang panukalang ito. Hindi rin niya kinuwestyon ang pagtatalaga ng mga OIC na magpapatakbo ng mga pamahalaang barangay. Kung maaaprubahan ang panukalang batas sa Kongreso at Senado, ito na ang pangalawang beses na hindi matutuloy ang pagpili natin ng mga lider sa ating barangay.
Katulad ng anumang panukalang batas at patakaran, kailangang pag-aralang mabuti ang pagpapalibang muli ng halalan sa mga barangay at ang pagtatalaga ng OIC sa 42,000 na barangay sa buong bansa. Halimbawa, anu-ano ang magiging batayan sa paghirang ng OIC sa mga barangay? Hindi kayâ nito palalakasin ang tinatawag na patronage politics o ang pagbibigay pabor o gantimpala—katulad ng paghirang sa posisyon—sa mga taong malapít o malakas sa mga taong may kapangyarihang magtalaga? Kung ganito ang mangyayari, hindi malayong lumalâ ang kurapsyon sa pamahalaan.
Sa lente ng Catholic social teaching, taliwas ang pagpapalibang muli sa halalang pambarangay at ang pagtatalaga ng mga OIC sa prinsipyo ng people empowerment o ang pagbibigay-kapangyarihan sa mga taumbayan. Isa ang halalan sa mga mekanismo ng isang demokratikong sistema ng pamahalaan kung saan nabibigyan ng boses at nagkakaroon ng kapangyarihan ang mga mamamayang piliin ang kanilang mga pinuno. Gaya ng isinasaad sa Centesimus Annus ni San Juan Pablo II, kinikilala ng Santa Iglesia ang pagkakataong ibinibigay ng isang demokratikong sistema ng pamahalaan sa mga mamamayang ihalal ang kanilang mga lider. Ginagarantiya rin sa isang demokrasya ang kapangyarihan ng mga mamamayang palitan ang mga pinunong hindi naging mabuti o epektibo sa kanilang pamamahala. Hindi pa naman nag-iiba ang uri at sistema ng pamahalaan sa ating bansa. Demokrasya pa rin naman ang umiiral sa ating bayan, hindi po ba? Kung iiwan natin ang pagpapasya sa kamay ng isang tao, parang sinasabi na nating wala tayong kakayahang pumili ng ating mga lider.
Totoo rin namang nakakabahala kung gamitin ng mga drugs lords ang barangay elections upang maipagpatuloy nila ang kanilang iligal na negosyo at ang pagsira sa buhay ng mga gumagamit o gagamit pa ng ipinagbabawal na gamot. Ngunit kung ito ang ikinakapangamba ng ating pangulo kaya’t mas gusto niyang siya ang pumili ng mga kapitan, hindi kaya’t mas mainam na paigtingin ang pagpapaliwanag sa mga botante tungkol sa matalinong pagboto? Hindi kaya mainam kung magkaroon ng mekanismo kung saan malinaw na maipapaalam sa mga botante ang mahahalagang impormasyon tungkol sa mga taong nais makuha ang kanilang boto? Hindi kaya mas makatutulong kung makakasuhan ang mga kapitan o kagawad na mapapatunayang nakikinabang sa operasyon ng mga drug lords?
Mga Kapanalig, subaybayan nating mabuti ang mga pag-uusap tungkol sa halalang pambarangay, kung matutuloy nga ba ito o hindi, at kung papayagan ang pagtatalaga ng mga OIC. Patuloy din nating isama sa ating mga panalangin ang mga lider ng ating bansa. Paalala nga ni Pope Francis, ang isang mabuting Kristiyano ay aktibong nakikilahok sa pulitika at ipinapanalangin ang kanyang mga lider upang maglingkod sila nang may kababaang-loob.
Sumainyo ang katotohanan.