174 total views
Hinamon ni House Speaker Pantaleon Alvarez ang mga tutol sa Martial law extension na pulsuhan ang mga residente ng Mindanao kung sang-ayon o hindi sa pag-iral ng batas militar.
Sa isinagawang special joint session, inaprubahan ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang extension ng martial law hanggang sa katapusan ng taong 2017.
Kumpiyansa si Alvarez na malaking bahagi ng residente ng Mindanao ang sang-ayon sa martial rule dahil na rin sa presensya ng ISIS inspired armed groups sa rehiyon tulad ng Maute group upang matiyak na hindi makakapag-regroup ang grupo sa ibang lugar habang may digmaan sa Marawi City.
Hinikayat din ni Alvarez ang mga nagrereklamo ng pang-aabuso na ireport sa Commission on Human Rights (CHR) ang mga paglabag sa karapatang pantao.
Kaugnay nito, isa si Hadji Nor Makabato sa mahigit 22-libong mga estudyante ng Marawi City na lumikas at nagpahayag ng pagtutol sa M-L extension.
Sinabi naman ni Alliance of Concerned Teachers Representative Antonio Tinio na napatunayan sa kasaysayan na hindi martial law ang tugon ng suliranin sa kapayapaan sa bansa.
Ayon kay Tinio, tila taliwas ang ginagawa ng Pangulo sa sinasabing kapayapaan sa pagpapalawig ng martial law at pagtatapos naman ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA).
Una na ring nagpahayag ng pagtutol ang ilang Obispo ng Mindanao sa martial law extension dahil sa pangambang posibleng pagmamalabis at mga paglabag sa karapatang pantao.
Base sa 2005 survey ng National Statistic Office, 24-porsiyento ng mahigit sa 102-milyong populasyon ng Pilipinas ay mula sa Mindanao region.
Sa pinakahuling tala, umaabot na sa 600 ang nasawi sa kaguluhan sa Marawi City, habang mahigit 400-libong residente ang nagsilikas kabilang na dito ang 1,425 na mga guro at 22-libong mag-aaral.