179 total views
Nababahala si IBON Foundation Executive Director Sonny Africa na lalala ang problema ng bansa kung patuloy na susundin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga payo ng kanyang economic managers.
Ayon kay Africa, sa halip na bigyang-prayoridad ang paglalaan ng programa upang mapalakas ang ekonomiya ng Pilipinas ay mas nanaig ang pagiging ‘anti-development’ ng pangulo.
“Mukhang walang sariling tindig sa ekonomiya si President Duterte at yung delikado do’n kung anuman ang sasabihin ng kanyang economic managers na inuulit lamang yung lumang Dutertenomics, ibig sabihin mauulit lang din ang mga nakaraang problema sa ating ekonomiya. Patuloy na dinedevelop ni President Duterte ang kanyang imahe na parang benevolent na paternalistic strong at tingin namin na delikado yan at anti democratic at anti development,” pahayag ni Africa.
Dismayado si Africa sa pagbalewala ng pangulong Duterte ang nakababahalang pagtaas ng unemployment rate sa bansa.
Sa tala ng IBON, bagamat tumuntong sa 6.4% ang Gross Domestic Product Growth ng bansa sa unang quarter ng taong 2017 ay umabot naman sa 393,000 ang mga Pilipinong nawalan ng hanapbuhay kung saan mula sa 40.7 milyong trabahong naitala ay bumaba ito sa 40.3 milyon noong nakaraang taon.
Patuloy namang ipinapaalala Pope Francis sa mga pinuno ng bawat bansa na maging mapagkumbaba at magsulong ng mga programa na mag-aangat sa kalidad ng buhay ng kanyang nasasakupan kasabay ng pgsulong ng bansang kanyang pinamumunuan.