183 total views
Tiniyak ng Social Action Center ng Diocese of Malolos ang kahandaan ng Diyosesis na agad rumesponde sa maaring maging epekto ng patuloy na pag-ulan dulot ng hanging Habagat na pinalalakas pa ng bagyong Gorio.
Ayon kay Rev. Father Efren Basco, SAC Director ng Diocese of Malolos, nakahanda ang Social Action Center ng diyosesis upang agad na magpaabot ng tulong o ayuda sa mga residenteng maaring maapektuhan ng sama ng panahon.
Sa kabila nito, muling umaapela ng pagiging responsible ang Pari kaugnay sa patuloy na problema sa basura ng diyosesis na nakadagdag sa problema tuwing tag-ulan.
Giit ng Pari, dapat maging masinop ang mga mamamayan sa tamang pagtatapon ng basura at nananawagan rin ito sa lokal na pamahalaan para sa isang mas sistematikong pagsasaayos ng mga basura sa mga bayan sa pamamagitan ng segregation.
Pagbabahagi ni Fr. Basco, hindi lamang pagbabaha ang naidudulot ng mga nagkalat na basurang tila isinusuka ng dagat tuwing tag-ulan kundi maging mga sakit tulad ng dengue, leptospirosis at iba pang impeksiyon.
“Una kasi, paulit ulit lang ang report sa amin itong gawa ng pag-ulan kahit galing ako sa ilang bayan sa amin doon sa may coastal, ang dami na namang basura yun ang pinanggagalingan din ng dengue tapos may clogged yung mga waterways namin, ibig sabihin panawagan sa taumbayan sa amin sa diocese ay sana yung basura masinop talaga, tapos magkaroon talaga yung mga LGU’s ng pagmomonitor sa mga basura kung papaano ima-manage but not through landfill, dun tayo sa segregation. Pinagmumulan lahat ng sakit yung basura tapos ngayon sumusuka na naman yung dagat ng basura sa amin…” pahayag ni Father Basco sa panayam sa Radio Veritas.
Tiniyak naman ni Father Benedict Cervantes, Director ng Social Action Center ng Diocese of Kalookan na nakahanda ang diyosesis na tumulong sa mga nasasakupan nito na madalas biktima ng pagbaha.
Ayon sa Pari, kritikal na lugar sa kanilang nasasakupan ang Malabon kaya naman buong taon nang nakahanda at nakaantabay ang kanilang Diyosesis sakali man na tumindi ang mga kalamidad na dumating sa bansa.
“Ongoing yung aking coordination sa DRRM ng local Government ng Malabon… Very critical area to when it comes to ganitong panahon na umuulan, talagang lumulubog ang ilang parts of Malabon, kaya we need to prepare at talagang kailangang paghandaan itong ganitong mga klaseng disaster,”bahagi ng pahayag ni Fr. Cervantes sa Radyo Veritas.
Nauna rito, nagsagawa ng Disaster Response Summit ang mga Diyosesis sa Metro Manila upang palakasin ang ugnayan ng mga simbahan sa paghahanda at pagtugon sa kalamidad.
Batay sa Global Climate Risk Index, simula 1996 hanggang 2015 pang-lima ang Pilipinas mula sa sampung mga bansang tinukoy na pinaka naaapektuhan ng Climate Change.
At dahil ang ating bansa ay matatagpuan sa tinatawag na Pacific Typhoon Belt, umaabot sa 20 o higit pa ang bagyong pumapasok sa Philippine Area of Responsibility taun-taon.
Batay sa pagtataya ng PAG-ASA, inaasahang tuluyang lalabas ang bagyong Gorio sa Philippine Area of Responsibility sa Linggo ng gabi o Lunes ng madaling araw.
Ang bagyong Gorio ang ika-pitong bagyo na pumasok sa bansa.
Bukod sa Diocese of Malolos ay una na ring tiniyak ng iba pang mga Social Action Centers ng iba’t ibang diyosesis na nakahanda ang kanilang Disaster Risk Reduction Response upang tulungan ang mga maapektuhang residente ng mga pagbaha o pagguho ng lupa dulot ng mga pag-ulan.