171 total views
Hinimok ng kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang mga mananampalataya na huwag mahiyang humingi ng tulong sa Panginoon.
Ayon kay Cardinal Tagle, ang pagpapakumbaba at pag-amin ng kahinaan ay isang pagpapahayag ng pakikiisa sa Panginoon.
Ito ang mensahe ni Cardinal Tagle sa isinagawang Misa ng Bayan sa pagbubukas ng Philippine Conference on New Evangelization (PCNE4) na may temang “One Heart, One Soul”.
Ang pagtitipon ay dinaluhan ng 6,150 delegado mula sa iba’t-ibang bahagi ng bansa, Asia at Estados Unidos.
Ang 3-day conference ay mula July 28-30 sa U-S-T Quadri-centennial Pavillion.
Sa kanyang homiliya, sinabi ni Cardinal Tagle na nawa ang bawat isa ay maging tulad ng isang bata na umaasa ng kalinga sa magulang at sa kapwa.
“Pag-amin na kailangan natin ng tulong. Sa panahon natin ngayon gusto ng tao maging self sufficient na hindi kailangan ang Diyos. Ayaw umamin na hindi kaya. Ang pagiging marupok na kailangan ko ang iba; at sa paghahari ng Diyos, ganun ang hinihingi; tanggapin ko marupok ako, tanggapin ko kailangan akong umasa sa Diyos, at sa kapwa, dahil hindi ko kaya lahat.” pahayag ni Cardinal Tagle.
Pinalalahanan din ng Kardinal ang bawat isa na mahalin ang mga bata na bagamat mahina ay nakakapagbukas ng puso at pumupukaw sa damdamin na magmahal at kumalinga.
Umaasa si Cardinal Tagle na tigilan ang pagsasamantala sa mga bata at mahihina sa halip ay magbigay daan para tumulong at magmalasakit sa kapwa.
Naging tema rin ng Misang Bayan ng Filipino ang Sto. Nino de Cebu bilang paghahanda sa ika-500 taon ng Kristiyanismo sa Pilipinas.