24,891 total views
Nagpahayag ng mariing pagkundena ang Obispo ng Diyosesis ng Antipolo laban sa human trafficking of persons matapos ang kasong kinakaharap ng isang pari ng diocese.
Ayon kay Bishop De Leon, seryoso ang kasong kinakaharap ni Monsignor Arnel Lagarejos na trafficking of minor.
Kasabay nito, ipinarating ng Obispo ang kanyang pakikisimpatya sa batang sinasabing biktima ng pari at sa mga magulang nito.
Nilinaw ni Bishop De Leon na batay sa protocol at alituntunin ng Simbahan at ng Catholic Bishops Conference of the Philippines o C-B-C-P na dahil sa kasong kinakaharap ay inaalisan ng lahat ng kanyang pastoral works at assignments ang pari.
Iginiit din ng Obispo ang pagbabawal sa akusadong pari na magkaroon ng anumang komunikasyon sa mga menor-de-edad at tanging sa kanyang abogado at mga kasamahang pari lamang maaring makipag-usap.
Tiniyak naman ni Bishop De Leon ang kahandaan ng Diocese na magbigay ng counseling at psychological services sa batang biktima.
Naninindigan ang Obispo na kailanman ay hindi kokonsintihin ng diyosesis ang anumang gawaing human trafficking lalu na at sangkot ay menor de edad.
Hindi rin papanigan ng Diocese of Antipolo ang mga nakagawa nito sa paglilitis kung mayroong sapat na ebidensiya laban sa nasasangkot.
At sa huli, umaasa ang Obispo na tularin natin si Hesus na kailanman hindi sumuko sa mga makasalanan.
Hiniling naman ni Bishop De Leon sa mananampalataya na bilang isang diyosesis ay ipanalangin ang pagbabago at pananatiling matapat ng mga pari at layko lalo na ang kagalingan para sa bata at sa kanyang buong pamilya.