196 total views
Sa pamamagitan ng Department of Overseas Filipino Workers, inihayag ni CBCP Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People at Balanga Bishop Ruperto Santos na mabigyang pagkilala ang mga manggagawang pinoy sa iba’t-ibang panig ng mundo.
Ayon kay Bishop Santos, karapat-dapat lamang kilalanin ang mga sakripisyo ng mga OFW na isa sa pangunahing dahilan sa likod na patuloy na paglago ng ekonomiya ng Pilipinas.
Kaugnay nito ay hiniling ng Obispo na tuparin ng pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang pangako na pagtatatag ng sariling departamento para sa mga bagong bayani ng bansa.
“We are grateful and appreciative na binanggit ni Pangulong Duterte ang ginagawang kabutihan, kagandahan at sakrispisyo ng mga OFW. Ngayon hiling natin ay tuparin ng mahal na pangulo ang kanyang pangako na itayo ang Department of Overseas Filipino Workers dahil ito ay malaking tulong at nagpapakilala ng pagpapahalaga sa mga OFW,” pahayag ni Bishop Santos.
Nangako rin ang pangulong Duterte na maglalaan ng isang bilyon pisong pondo para sa 2.4 milyong O-F-Ws.
Unang inihayag ni ACT-OFW Partylist Representative Aniceto Bertiz III na kabilang ang Philippine Overseas Employment Administartion (POEA), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Commission on Filipinos Overseas sa mga bubuwaging ahensya upang makabuo ng mas sistematikong departamento.
Sa ulat na inilabas ng Bangko Sentral ng Pilipinas, naitala noong buwan ng Marso 2017 ang pinakamataas na OFW remittance na umabot sa $2.91 bilyong dolyar, mas malaki ng 11.8% sa $2.60 bilyong dolyar sa parehong buwan noong 2016.
Dahil sa tapang at determinasyon upang itaguyod ang kanilang mga pamilya, pinuri ng Kanyang Kabanalan Francisco ang mga OFW sa kanyang pagbisita sa bansa noong 2015.