191 total views
Ang pagsusulong ng administrasyon sa Federalismo ang isang nakikitang dahilan ng National Citizens’ Movement for Free Elections (NAMFREL) kung bakit nais muling ipagpaliban ng pamahalaan ang Barangay at Sangguniang Kabataan elections at magtalaga na lamang ng mga opisyal na mamumuno sa bawat barangay.
Sa kabila nito, binigyang diin ni NAMFREL Secretary General Eric Alvia ang kahalagahan ng Barangay bilang pinaka-maliit at batayan ng pamamahala sa bansa kung saan may direktang partisipasyon ang bawat mamamayan sa pamayanan.
“Ang tingin natin dito rin kaya mayroon ding mga hakbang na i-postpone at i-appoint yung mga tao sa Barangay ay hakbang yan sa pagpapahanda sa usapin ng Federalismo, pero kahit na ganun nga ang kanilang pananaw to consolidate the power base? pahayag ni Alvia sa panayam sa Radio Veritas.
Sa kabila nito, iginiit ni Alvia na kahit anu pa mang uri ng pamamahala ang nais ng kasalukuyang administrasyong Duterte ay naaangkop pa rin at mahalaga pa ring mapangalagaan ang sistema ng Barangay na nagsisilbing mailiit na bersyon ng pamahalaan sa pamayanan at natatangi sa mga Filipino.
“So whether it be a parliamentary form of government, a federalism form of government sa tingin natin ito yung Filipino, Filipino way of governing at the local level sa atin talaga ito eh, ito yung medyo unique sa Pilipino sa pagpapatakbo ng gobyerno, sa kanayunan, so it’s compatible with any form of government…” Dagdag pa ni Alvia.
Sa tala aabot sa 42,036 ang bilang ng mga barangay sa buong bansa, batay sa datos ng National Statistical Coordination Board (NSCB), ang Region VIII (Eastern Visayas region) ang may pinakamaraming barangay sa buong bansa na umaabot sa 4,390 habang pinakakaunti naman ang bilang ng barangay sa Region XI (Davao region), na may 1,162 barangay.
Una nang inihayag ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting o PPCRV na nararapat na ituloy ang Barangay at Sangguniang Kabanataan Elections ngayong taon para sa kapakanan at ikabubuti ng pamayanan.
Giit ng PPCRV, kung muling ipagpapaliban ang Halalang Pambarangay ay muli ring mapapalawig ang serbisyo ng mga kasalukuyan ng opisyal ng bawat Barangay na una nang napalawig ang katungkulan matapos na suspendihin ang naturang halalan noong nakalipas na taon.