407 total views
Malaki ang maitutulong sa mamamayan kung maisasakatuparan ng Pangulong Rodrigo Duterte ang pagkakaroon ng Department of Overseas Filipino Workers.
Sang-ayon si Balanga, Bataan Bishop Ruperto Santos, chaiman Catholic Bishops Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People’s (CBCP-ECMI) sa adhikain ng pamahalaan na magkaroon ng ahensya na tututok sa mga O-F-W.
“Nakikita natin na malaking tulong sa mga OFW na kung saan ay hindi na sila,’yun bang nangyayari ngayon na, ituturo doon, pupunta doon, magbibiyahe sa isang lugar, pupunta sa isang lugar, papakuha ng mga papeles, punta sa OWWA, punta sa POEA, punta sa DFA. Maraming oras at maraming gastos ang nasasayang at naaksaya. At alam naman natin ang kanilang pagpunta pagka nagbakasyon dito sa Pilipinas ay mayroong araw, limitado ang kanilang panahon ng pananatili dito sa Pilipinas,” ayon kay Bishop Santos
Paliwanag ng Obispo, sa pamamagitan nito ay mapapaigsi ang mga proseso ng mga inihahain ng mga OFW sa ahensya at mapapabili din ang pagtugon sa kanilang pangangailangan.
Sa panig naman ng simbahan, una na ring naisulong ang pagkakaroon ng migrants ministry sa bawat parokya na ang gawain ay magbigay ng gabay hindi lamang sa mga O-F-W kundi maging sa kanilang mga pamilya na maiiwan sa bansa.
Naunang hinamon ng Obispo ang pangulong Duterte na tuparin ang mga pangako nito sa O-F-Ws.
Read: http://www.veritas846.ph/walk-the-talk/
Sa tala ng Philippine Statistics Authority may 2.4 na milyon ang OFW sa iba’t ibang panig ng mundo -higit sa 1.2 milyon dito ay pawang mga babae.
Dagdag pa ng obispo, bukod sa karagdagang kita para sa bansa- nagsisilbi ring mga misyonaryo ng ating pananampalataya ang mga Filipino na nagtatrabaho sa iba’t – ibang bansa.(Ers Geronimo)