185 total views
Church people are distancing on workers concern. Ito ang inamin ng isang opisyal ng Catholic Bishop Conference of the Philippines o C-B-C-P ang pagkukulang Simbahan sa pagtulong, paggabay at pakikiisa sa mga suliraning kinakaharap ng mga manggagawa sa bansa.
Inihayag ni Diocese of San Carlos Bishop Gerardo Alminaza, chairperson ng Church People-Workers Solidarity na bagamat malinaw ang paninindigan ng Simbahang Katolika sa mga panlipunang katuruan o Catholic Social Teaching ay hindi naman nito tunay na naipaparamdam o ganap na makiisa sa mga suliranin at paghihirap ng mga manggagawa sa Pilipinas maging sa mga Overseas Filipino Workers.
Aminado si Bishop Alminaza na isang “irony” na dumidistansiya at nag-aalinlangan ang Simbahan na masangkot sa problema ng mga manggagawa. “Ang problem talaga kasi, Church people are a little bit allergic to get involve to the concerns ng mga worker, parang there is a bit of distancing, but in terms of the social teaching of the church malinaw yung ating teachings doon. And that’s precisely the irony, the contradiction, the paradox na ang presence ng Church among the workers is not so much felt but they are really suffering…”pahayag ni Bishop Alminaza sa panayam ng Radio Veritas.
Kaugnay nito, inihayag ng Obispo na isang malaking hamon para sa Simbahang Katolika ang tunay na pakikiisa sa mga manggagawa na kabilang sa pinakamaliit na sektor ng lipunan. “All the more tayong mag-concern doon, manawagan tayo talaga na sana ang Church people maging bukas, i-challenge yung solidarity natin doon…” dagdag pa ni Bishop Alminaza. Ano ang tugon ng Simbahan sa lumalaking bilang ng unemployment sa bansa? Kaugnay nito, itinatag ng Caritas Manila ang social action arm ng Archdiocese of Manila ang “CARITAS ET LABORA” na nagsisilbing manpower service ng Arkidiyosesis na tumugon sa kawalan ng trabaho ng mga Pilipino.
Sa kasalukuyan, ang CARITAS ET LABORA ay mayroong 1,304 na manggagawa na nagta-trabaho sa iba’t-ibang institution ng Simbahan sa Metro Manila. Nabatid sa March 2017 Ulat ng Bayan survey ng Pulse Asia, ang pagpapataas sa suweldo ng mga manggagawa ang nakakuha ang pinakamataas na bahagdan sa mga nais ng mamamayan na tutukan ng pamahalaan na may 43-porsiyento at ang pagkakaroon ng mga karagdagang trabaho para sa mga manggagawa na nakapagtala ng 39 na porsiyento.
Magugunitang sa pag-aaral ng National Economic and Development Authority (NEDA) lumabas na P1,200 kada araw ang required living wage allowance upang tugunan ang mga pangunahing pangangailangan ng may limang miyembro ng isang pamilya. Nauna rito, hiniling ng Associated Labor Unions- Trade Union Congress of the Philippines o ALU-TUCP kay Pangulong Rodrigo Duterte at sa Kongreso ang pagkakaroon ng 184-arawang umento sa sahod ng mga minimum workers sa Metro Manila na kasalukuyang 491-pesos kada araw.
Ayon nga kay Pope Francis, isa sa pangunahing karapatan ng isang tao sa lipunan ang pagkakaroon ng isang marangal na trabaho na may karampatan sahod at benepisyo para sa kanilang paggawa upang maitaguyod ang kanilang pamilya.