154 total views
Umabot sa 300 hanggang 500 Pamilya ang naapektuhan ng naganap na sunog sa Sikap Street San Miguel Maynila ngayong umaga.
Batay sa inisyal na ulat ng Bureau of Fire Protection o BFP, 2 ang naitalang nasugatan habang nasa 100 kabahayan ang tinatayang nasunog na nagsimula dakong 3:29 ng umaga at idineklarang fire out siyam na minuto bago ang alas syete ng umaga kanina.
Ang lugar na nasunugan ay nasasakupan ng San Miguel Parish at nasa isang kilometro lamang ang layo mula sa Palasyo ng Malakanyang.
Umapela naman ng tulong ang Parish Pastoral Council o PPC President ng nasabing Parokya matapos ang naganap na sunog.
“Marami po kaming nasunugan kasi madaling araw nangyari, nanawagan po kami sa Caritas [Manila], sa mga Kapanalig natin na makatulong kahit yung basic needs po gaya ng pagkain mga toiletries malaking tulong na po ito” Panawagan ni Tess Lopez, PPC President ng San Miguel Parish.
Kaugnay nito, tiniyak ng Caritas Manila ang pagtugon sa pangangailangan ng mga nasunugan.
Ayon kay Ms. Gilda Avedillo, Program Manager ng Caritas Damayan, inihahanda na nila ang pagpapadala ng nasa 300 food packs at mga hygiene kits sa Parokya ngayong hapon.
Posible din aniyang tumugon ang Minor Basilica of the Black Nazarene o Quiapo Church sakaling kulangin pa ang mga nasabing relief goods.