236 total views
Pinuri ni Australian Ambassador to the Philippines Amanda Gorely ang Caritas Margins dahil sa pagkilala sa talento at abilidad sa paggawa ng mga kababaihan.
Ayon kay Ambassador Gorely, bukod sa dekalidad na produkto at serbisyo ay ipinakita rin ng social enterprise program ng Caritas Manila ang pagsusulong ng women empowerment at pagpapahalaga sa kontribusyon ng mga kababaihan sa pag-unlad ng isang komunidad.
“Caritas Margins has shown how it is a sustainable business which very importantly is largely run and driven by women which is also a very important thing as well as empowering women and providing livelihood to them has a flow-on effect to the rest of the community and to their families as well,” pahayag ni Ambassador Gorely.
Naniniwala rin ang kinatawan ng Australia na malaking kawalan para sa isang bansa kung hindi mabibigyan ng sapat na kapangyarihan ang mga babae na ipalamas ang kanilang kakayahan sa iba’t ibang larangan.
“We believe that women are huge resource of every country and if you not empowering them economically then they are not able to contribute their full potential and that’s lost to the society,” dagdag nito.
Kaugnay nito, tiniyak ni Caritas Margins Sewing Production Center Coordinator Daisy Peña na magpapagaan at magpapabilis sa produksiyon ng kanilang mga urban poor community partner ang ipinagkaloob na 1-milyong pisong direct aid assistance(DAP) ng Australian embassy.
Ibinahagi ni Pena sa pamamagitan ng 11-makinarya sa pananahi na handog ng embahada ng Australia noong 2012 ay nakapagbukas na sila ngayon ng anim na sewing centers na nagbibigay ng hanap-buhay sa mga nasa laylayan ng lipunan.
Ibinahagi rin ni Makati Food Production Center Coordinator Socorro De Leon na mas naging produktibo ang kanilang paggawa dahil sa natanggap na mga modernong kagamitan na itinuturing nilang isang biyaya.
Magugunitang nagsimula noong taong 2011 ang pagtulong ng embahada ng Australia sa Caritas Margins sa pamamagitan ng 250-libong D-A-P na inilaan para sa sewing project at karagdagang 250-libong pisong pondo noong 2012 na nagpasimula naman sa Food Production Project ng organisasyon.
BIYAYA
Kabilang si Marlene Binuya sa mahigit 50- benepisyaryo ng social enterprise program sa Tondo, Manila.
Isang dekada ng nagta-trabaho si Binuya sa Caritas Margins at malaki ang pasasalamat nito sa oportunidad na nagdulot ng ginhawa sa kanilang pamumuhay.
Samantala, bukod sa pagtatampok ng mga produktong gawa ng maliliit na negosyante, layunin ng Caritas Margins na matulungan ang mga mahihirap na pamilya na makapagsimula ng bagong buhay.
Sa datos, tinatayang 95-porsiyento ng micro-entrepreneur ng Caritas Margins ay pawang mga babae o mga urban poor women mula sa Tondo, Manila at East Rembo, Makati City na pangunahing natutulungan ng sewing and food production project ng organisasyon.
Kaugnay nito paulit-ulit na ipinanaalala ng Kanyang Kabanalan Francisco na tulungan ang mga mahihirap dahil ang pag-abot sa kamay ng mga nangangailangan ay nangangahulugang pag-imbita sa Panginoon na maging bahagi ng ating buhay.