231 total views
Umaasa ang Children’s Legal Rights and Development Center sa tuluyang pagsasabatas ng CSAC Bill o Children in Situations of Armed Conflict Bill na naglalayong protektahan ang mga kabataan na gamitin sa armadong pakikibaka.
Ayon kay Rowena Legazpi, chairperson ng Children’s Legal Rights and Development Center, ang panukala ay tugon sa patuloy na paggamit ng mga armadong grupo sa mga bata bilang child soldiers.
Sinabi ni Legazpi na nakapaloob sa CSAC Bill ang probisyon na mariing nagbabawal sa recruitment ng mga kabataan ng iba’t-ibang armadong grupo maging sa panig ng military.
Kaugnay nito, batay sa pagsusuri ng United Nations nananatiling malaking problema sa Pilipinas ang patuloy na paggamit sa mga kabataan bilang child soldiers ng iba’t-ibang armadong grupo partikular na sa rehiyon ng Mindanao.
Sa Trafficking in Persons Report 2017 ng US State Department, patuloy ang problema partikular na sa rehiyon ng Mindanao kung saan nakapagtala ng may aabot sa 178 mga armadong kabataan o child soldiers.
Sa panlipunang katuruan ng Simbahan, isa sa pangunahing karapatan ng bawat kabataan ang makapag-aral upang maayos na mahubog ang kanilang mga kamalayan at malinang ang mga kaalaman.
Matatandaang sa naganap na Encounter with the Youth sa University of Sto.Tomas ni Pope Francis noong
ika-18 ng Enero taong 2015, hinamon nito ang mga kabataan na mag-isip, makiramdam at kumilos upang tunay na makapagbahagi sa kapwa, partikular na sa mga nangangailangan at maging sa kapakanan ng buong bayan.