759 total views
Kapanalig, ang mahalimuyak at matapang na kape na iyong hinihigop ngayon ay maaring nagmula mismo sa mga taniman ng coffee beans sa ating bansa.
Tumataas ang demand para sa kape ngayon at ang ating bansa ang isa sa ilan sa buong mundo na humaharap sa oportunidad na ito. Ayon sa Department of trade and Industry (DTI), limang rehiyon ang pangunahing nagpo-produce ngayon ng kape sa ating bansa. Ito ay ang SOCCSKSARGEN, Davao, ARMM, CALABARZON, at Northern Mindanao.
Ito, kapanalig, ay maaring muling pagbangon ng coffee industry sa ating bansa. Matatandaan na noong mga 1990s, ang Pilipinas ay pangunahing supplier ng kape. Dati tayo ang pang-apat sa pinaka-malaking exporter ng kape ngunit nagbago ito ng bumaba na ang produksyon ng kape sa ating bansa nuong mga kaligitnaan ng dekada nobenta.
Ang pagtaas ng demand sa kape sa ngayon ay isang oportunidad na hindi dapat palampasin ng sector ng agrikultura sa ating bansa. Kaya lamang, mahirap tugunan ang demand na ito kung walang suporta para sa mga coffee farmers. Marami silang balakid na kailangang harapin. Kabilang na dito ang mababang buying price, makalumang gawi sa produksyon ng kape, mga puno ng kape na ayaw mamunga, pati na ng pag-gamit ng mga taniman para sa iba pang binhi at halaman. Kulang din tayo ng pasilidad para sa produksyon at pag-ani.
Sayang naman, kapanalig, kung hindi natin tutulungan ang coffee industry sa ating bansa. Sa ngayon, meron tayong tinatayang mga 200,000 na manggagawa sa ating coffee industry. Nanganganib ang kanilang kabuhayan kung hindi bibigyang prayoridad ng ating pamahalaan ang industriya na ito.
Kung hahayaan natin ang industriyang ito, mawawala ang ating pagkakataon na makuha ang bentahe ng kape, na pangalawa sa mga inumin na binibili ng mga tao at pangalawa din sa pinakamabentang produkto sa buong mundo.
Kapanalig, kailangan na mayroong magtataya para sa maralita sa ating lipunan. Ang mga manggagawa sa industriya ng kape ay kasama sa hanay ng maralita, mga magsasaka na lalo pang liliit ang aanihin kung walang makukuhang suporta. Ang pamahalaan, bilang tagapagtanggap ng ating buwis at ating kinatawan, ay dapat mabigay kalinga sa sector na ito. Ito ay pagsasa-kongkreto ng katarungan at tunay na pag-ibig sa kapwa Pilipino.
Ang mga kataga mula sa Mater et Magistra ay magsilbing gabay sana sa ating pamahalaan at lipunan: Hindi dapat maging panguhaning pamantayan ng ekonomiya ang interes ng iilang indibidwal o ng organisading grupo. Ang katarungan at pagmamahal ang siyang dapat maging giya ng ating lipunan at ekonomiya.