19,339 total views
Panawagan sa Bayan ng Diyos sa Archdiocese ng Lingayen Dagupan
Ang gulo ng bayan!
Parami nang parami ang mga ulila sa magulang, sa asawa at sa anak. Pakiusap na “Huwag po!” naririnig sa mga eskinita at tambakan. Patayan sa magdamag. Panaghoy at hikbi sa madaling araw galing sa mga ulila. Ang multo ng mga pinatay ay humihingi ng awa. Ang isip ng mga buhay ay puno ng lungkot at takot “Baka ako na ang isusunod? Sino ang nakatitiyak.”
Ang gulo ng bayan!
Ang opisyal na pumatay ay may parangal. Ang pinatay ay sinisisi. Hindi na makapagpaliwanag ang mga bangkay sa bintang sa kanila “Nanlaban kasi”. Hindi na nila masabi “Nagmakaawa po ako hindi ako lumaban!” Sino ang magtatanggol sa kanila?
Kung may tatlumpu at dalawang patay daw araw-araw ay gaganda ang ating buhay…at ang mga kababayan ay tumatango sa pagsang-ayon. Pumapalakpak ang kababayan at sumisigaw nang may ngiti “Dapat lang!” habang binibilang ang bangkay sa dilim, habang bumabaybay sa kaliwa’t kanang lamay sa patay.
Pagpatay daw ang lunas sa lahat ng kasamaan. Pagpatay daw ang dapat para sa taong sinira ng droga. Ang bayang ayaw daw sa droga ay dapat na pumayag na patayin ang pusher. Kapag nanindigan para sa dukhang na tokhang, tiyak na maliligo ka sa mura at banta. Marami naman ang nagpapatakot!
Ito na ba ang bagong tama?
Bakit kakarampot na lamang ang kababayang naaawa sa mga ulila? Hindi na ba tayo marunong umiyak? Bakit hindi na tayo nasisindak sa tunog ng baril at agos ng dugo sa bangketa? Bakit walang nagagalit laban sa drogang ipinasok galing Tsina? Bakit ang mga mahihirap na lang lagi ang binabaril at kapag mayamang “malakas sa itaas” ay kailangan muna ng imbestigasyon at affidavit?
Ang gulo ng bayan! May maling nangyayari sa bayan!
May dapat iwasto sa bayan! May dapat pagsisihan ang bayan! Humingi tayo ng tawad sa Diyos.
Sabi ng Banal na Kasulatan “Kung ang aking bayan na tinatawag sa pamamagitan ng aking pangalan ay magpakumbaba at dumalangin, at hanapin ang aking mukha, at talikuran ang kanilang masamang mga lakad; akin ngang didinggin sa langit, at ipatatawad ko ang kanilang kasalanan, at pagagalingin ko ang kanilang lupain.” (2 Chronicles 7:14)
May pagkukulang tayo sa Diyos kaya may gulo at dugo. May dapat tayong gawing tama upang manumbalik ang paghahari ng Diyos sa ating bayan. Hindi likas sa atin ang matuwa sa patayan.
Nang dahil dito…
Simula ikadalampu at dalawa ng Agosto (Agosto 22) Pista ni Mariang Reyna ng Sanlibutan, ang lahat ng KAMPANA sa LAHAT NG SIMBAHAN SA LINGAYEN DAGUPAN ay IBABAGTING SIMULA ALAS OTSO NG GABI SA LOOB NG BUONG KINSE MINUTOS NANG TULOY TULOY. Gagawin natin ito hanggang ikadalawampu at pito ng Nobyembre (Nobyembre 27) pista ng Birhen Medalya Milagrosa.
Ang pagkampana tuwing alas otso sa loob ng kinse minutos ay alay na panalangin para sa mga pinatay. Matanggap nawa nila ang kapayapaang hindi nila naranasan noong sila ay nabubuhay pa.
Ang tunog ng kampana ay tinig ng Diyos na sana ay gumising sa konsensiyang manhid at bulag. Huwag kang papatay! Kasalanan yan! Labag sa batas yan! Yan ang sabi ng kampana!
Ang bagting ng kampana ay tawag ng pag gising sa bayang hindi na marunong makiramay sa ulila, nakalimutan ng makiramay at duwag na magalit sa kasamaan. Ang tunog ng kampana ay tawag na ihinto ang pagsang ayon sa patayan!
Ibalik natin ang pagiging tao. Ibalik natin ang dangal Pilipino. Ikampana ang dangal ng buhay! Ikampana ang karapatan ng mga pinapatay na mahihirap!
Mula Katedral ng San Juan Evangelista, Dagupan City, Agosto 20, 2017
+SOCRATES B. VILLEGAS
Arsobispo ng Lingayen Dagupan