182 total views
PHOTO CREDIT: ABS-CBN
Kinondena na rin ng Diocese of Cubao ang patuloy na pagpaslang sa mga hinihinalang may kaugnayan sa illegal na droga.
“The Roman Catholic Diocese of Cubao strongly condemns the recent spate of killings that has been happening in our country,” ayon sa pahayag.
Ayon sa pahayag, namamayani ngayon sa buong bansa ang takot, pangamba at pag-aalala sa kani-kanilang mga mahal sa buhay na maaring maging biktima ng mga pagpaslang.
“These extra judicial killings have bought so much fear, anguish, and anxiety to our fellow Filipinos. Different points of view and opinions on this issue have also further divided this nation. While we vehemently disagree with the ‘proposed solution’ to eradicate this problem –a solution that has no regard for due process, for human rights and for human life.”bahagi ng statement ng Diocese of Cubao.
Ito ay kasunod na rin sa pagkakapaslang ng mga pulis kay Kian Lloyd Delos Santos, 17-anyos at isang mag-aaral na hinihinalang drug runner sa kabila ng pagmamakaaawa.
Sinasaad din sa pahayag ang dulot na pagkakahati-hati ng sambayanan hinggil sa iba’t ibang pagtanaw sa kampanya ng gobyerno laban sa droga.
Bagamat sang-ayon ang Diocese of Cubao na dapat mahinto ang illegal drug operation sa bansa ay maigting ang pagtutol nito sa pagpaslang sa mga inosente ng walang due process.
Sa ulat, may 12 libo na ang napapatay dulot ng war on drugs campaign sa loob ng 2 taong panunungkulan ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Nagpahayag din ng pakikiramay ang diyosesis sa mga naging biktima ng extra judicial killings at humiling ng panalangin para sa sambayanang Filipino bilang mga tagapagtaguyod ng kasagraduhan ng buhay.
Hinihikayat din ng Diocese ng Cubao ang mga simbahang nasasakupan na magpatunog ng kampana sa loob ng 5-minuto simula August 22-29 bilang pagkondena sa mga pagpaslang.
Nauna rito, nanawagan si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle at CBCP President Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas sa sambayanang Pilipino na magnilay, magdasal at manindigan sa tumataas na bilang ng mga pagpatay sa mga nasasangkot sa kalakaran ng iligal na droga sa bansa.
Read: Kampana ng Konsensiya
Reflect, Pray and Act
Ang Diocese ng Cubao ay pinamamahalaan ni Bishop Honesto Ongtioco na binubuo ng 604 na pari sa may 44 na parokya na may higit sa isang milyong mga katoliko base sa tala ng catholic-hierarchy.org.