165 total views
Nagsisimula na ang muling pagbangon ng Marawi City kaugnay sa inaasahang pagtatapos ng digmaan sa pagitan ng ISIS inspired Maute group at ng pamahalaan.
Ayon kay Marawi Bishop Edwin Dela Pena, ilang mga pari na rin ang nakakapasok sa lungsod para magdaos ng misa partikular na nang muling magbukas ang klase sa Marawi State University.
Tiniyak din ng Obispo na ginagawa nila ang lahat para maibalik na sa normal ang kanilang buhay at nagsisimula na para sa muling pagbangon ng lungsod matapos ang higit sa 3 buwang digmaan.
“Sa gitna ng kahirapan, nakakakita na tayo ng liwanag sa gitna ng kadiliman. Kapit lamang tayo sa ating pananampalataya, anuman ang ating pananampalataya Islam man o Christianity, iisa lamang ang Diyos na ating kinikilala ..hang-on tayo sa ating pananampalataya and slowly. Kami dito sa ginagawa namin ang kaya naming gawin sa tulong ng Panginoon na maibalik natin sa normal ang buhay natin and slowly we can rebuild our lives. So hang on, stay safe where you are and stay strong in your faith,” pahayag ni Bishop Dela Pena.
Ipanalangin ang mga bihag ng terorista.
Pinaalalahanan din ng Obispo ang mga nagsilikas sa labanan sa Mindanao na patuloy na manalangin para sa kaligtasan ng mga residenteng nanatili sa Marawi at Iligan City lalu na ang bihag na hawak pa rin ng mga terorista.
Sa ulat hindi bababa sa 20 ang mga hawak pa ring bihag ng mga Maute kabilang na si Fr. Chito Suganob at mga manggagawa ng Mary’s Help of Christian Cathedral.
“Huwag nating kalimutan ang kapatid na hawak pa rin ng terorista, kasama na si Fr. Chito, mga kasambahay sa prelature house sa Marawi, ating pastoral worker. Llagi natin silang ipagdasal, ‘wag nating kalimutan sa dasal araw-araw, laban sa banta ng mga terorista sana ipagpatuloy natin ang panalangin na maalpasan ang lahat ng mga pagsubok,” ayon pa sa Obispo.
Duyog Marawi
Ilulunsad naman ng Prelatura ng Marawi kasama ang Redemptorist Missionaries of the Philippines ang Task Force Duyog Marawi bilang simula ng pagbangon ng Marawi City.
Ayon kay Bishop Dela Peña, ito ay tulong-tulong na gawain para sa pagbangon kasama ang mga residente na bagama’t nanatiling bakwit ay kikilos na para maibalik sa normal ang kanilang buhay.
Itinakda ang paglulunsad ng Duyog Marawi sa ika-30 ng Agosto sa Brgy.Maria Cristina, sa Balo-i ang lugar na boundary ng Iligan at ng Marawi–kung saan kabilang sa mga programa ang pagbibigay ng orientation sa mga volunteers, inter-faith prayer at isang misa sa hapon.
“Duyog is to accompany. Marawi people themselves doing everything they can to rebuild and then we are accompanying them,” paliwanag ni Bishop Dela Pena. Sinabi ng obispo na sa tulong ng mga Redemtorist ay nahati-hati na nila ang mga gawain kabilang dito ang para sa relief operation, rehabilitation at maging ang pagbibigay ng psycho traumatic healing sa mga nakaranas ng karahasan. “Gaganapin ito sa Maria Cristina, Balo-I, ito rin ang ating temporary cathedral so parang everything ay make-shift na ating ginagawa. Ito ay talagang naglalarawan din sa Prelature ng Marawi bilang Bakwit church katulad ng kanyang mga tao na bakwit din,” dagdag pa ng Obispo.
Tiniyak naman ng Obispo na handa ang simbahan na tugunan ang pangangailangan ng mga bakwit na higit na sa 3 buwang nasa evacuation centers at nananahan sa kanilang mga kamag-anak.
Ito ay sa pakikipagtulungan ng mga kalapit simbahan, diyosesis at arkidiyosesis na nagtutulong-tulong para sa pangangailangan ng mga residente ng Marawi.
Patuloy din ang panawagan na paghingi ng tulong na maaring ibigay sa mga Archdiocese of Cagayan De Oro, Diocese of Iligan, at iba pang mga simbahan.
Base sa ulat, may higit sa 300 libo ang nagsilikas mula sa lungsod dahil sa digmaan.
Naitala rin ang higit sa 500 katao na ang nasawi, kabilang na dito ang 359 mula sa panig ng mga terorista.