973 total views
Ito ang paalala ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle, pangulo ng Caritas Internationalis sa mamamayan.
Binigyang diin ni Cardinal Tagle na kailangang-kailangan ngayon sa Pilipinas ang pagpapaigting sa pangangalaga ng kalikasan dahil sa tumitinding epekto ng climate change.
Ayon sa Cardinal, nasaksihan ng mga Filipino ang pagkasira ng buhay ng tao, mga gusali dahil sa mga bagyo, lindol at labis na tagtuyot kaya’t napapanahong ang bawat isa ay magtulong-tulong sa pagpapabuti ng kalagayan ng kalikasan.
“Kailangang-kailangan po natin ito, tayo po sa Pilipinas, saksi tayo sa mga iba’t ibang pagkasira ng buhay, pagkasira ng lupa, bahay, eskwela, ospital, dahil po sa mga mararahas na nangyayari sa atin pong kalikasan. Mga bagyo na parang palakas ng palakas, tapos biglang init at tagtuyot, at ang mga lindol,” pahayag ni Cardinal Tagle.
Ipinaalala rin ni Cardinal Tagle ang mensahe ng Kanyang Kabanalan Francisco sa encyclical na Laudato Si, na kaakibat ng pangangalaga sa kalikasan ang pangangalaga sa buhay ng ating kapwa.
Hinimok naman ni CBCP President Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas ang sambayanang Filipino na pangalagaan at itaguyod ang kalikasan na handog ng Diyos sa tao.
Ipinaliwanag ni Archbishop Villegas na ang pag-aalaga sa san nilikha ay pag-aalaga na rin sa mga dukha na ginagawa rin natin sa Panginoon.
“Pahalagahan natin ang kalikasan sapagkat ito po ay makabubuti hindi lamang para sa kalikasan kundi para sa ating lahat, sapagkat anumang ginagawa natin sa kalikasan, ginagawa natin sa dukha, ang ginagawa natin sa dukha, ginagawa natin sa ating Panginoon. Alagaan natin ang biyaya ng Diyos at aalagaan tayo ng mga biyaya ng Diyos,” pahayag ni Archbishop Villegas.
Bilang tugon sa tumitinding climate crisis, inaanyayahan ni Cardinal Tagle at Archbishop Villegas ang taumbayan na makiisa sa taunang pagdiriwang ng Panahon ng Paglikha o Season of Creation tuwing ika-1 ng Septyembre hanggang ika-4 ng Oktubre.
Sa ika-1 ng Setyembre, magsasagawa ng malawakang pagkilos ang Simbahang Katolika sa pagbubukas ng Season of Creation.
Inorganisa ng Global Catholic Climate Movement- Pilipinas ang “Walk for Creation” sa Burnham Green, Luneta Park, simula alas kuwatro hanggang alas otso ng umaga.
Pangungunahan ni Cardinal Tagle ang banal na misa ganap na alas kuwatro y medya ng umaga (4:30AM) kasama sina Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng CBCP Episcopal Commission on the Laity, at Bangued, Abra Bishop Leopoldo Jaucian, chairman ng CBCP Episcopal Commission on Youth at NASSA/Caritas Philippines National Director Archbishop Rolando Tria Tirona.
Susundan ito ng programa kung saan tampok ang mga adbokasiya para sa kalikasan.
Matapos ang Walk for Creation, magsasagawa ng workshop at seminars ang Archdiocese of Manila Ecology Ministry simula alas otso ng umaga hanggang alas kuwatro ng hapon sa Plaza Roma, Manila Cathedral, Intramuros Manila.
Ngayon ang ikalimang taon ng pagdiriwang ng Season of Creation na sinimulan ng Archdiocese of Manila noong 2012.
Kasabay nito, ipagdiriwang din ang ikalawang taon ng World day of Prayer for Care of Creation o Pandaigdigang araw ng pananalangin para sa pangangalaga sa san nilikha na itinalaga ni Pope Francis noong 2016 at taunang isasagawa tuwing unang araw ng Septyembre.