899 total views
Nagiging makabuluhan ang biyayang natatanggap mula sa Panginoon kung ito ay nagagamit sa mabuting paraan.
Ayon kay Fr. Anton CT Pascual, Executive Director ng Caritas Manila, ang pagkakawanggawa ay katangian ng Panginoon kung saan hinihikayat ang bawat isa na maging bahagi sa pagtulong sa kapwa.
“Ang pagkawanggawa o charity ay likas na katangian ng Diyos na siyang hamon sa Lahat ng tao. Tunay na nagiging ganap Ang ating pagkatao kapag tayo ay nabubuhay sa iba at hindi sa sarili,” ayon sa mensahe ni Fr. Pascual sa paggunita ng International Day of Charity na ipinagdiriwang tuwing September 5.
Ang Caritas Manila ay ang social arm ng Archdiocese of Manila na nagbibigay ng tulong sa mga biktima ng kalamidad hindi lamang sa Manila kundi maging sa ibang panig ng bansa, kabilang na dito ang pagtugon sa mga biktima ng bagyong Yolanda at lindol sa Visayas.
Bahagi rin ng adbokasiya ng Caritas Manila ang disaster preparedness para magkaroon ng kaalaman ang mga nasa calamity and disaster prone areas na paghandaan ang mga posibleng kalamidad.
Ayon kay naman kay Fr. Ric Valencia- minister ng Archdiocese of Manila on Disaster and Management Ministry, sa pamamagitan ng pagtulong ay nagiging katuwang ang bawat isa para ibsan ang hirap na nararanasan ng mga biktima ng kalamidad at maging ang mga biktima ng digmaan.
On Marawi crisis
Sinabi ni Father Valencia na patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan at suporta sa mga taga-Marawi lalut hindi pa natatapos ang giyera.
Una na ring nagpadala ng P1 milyon ang Caritas Manila bilang paunang tulong sa mga evacuees.
“Patuloy pa rin po ang ating relief operation dahil may kaguluhan pa doon. Habang hindi natatapos hindi natin masisimulan ang rehabilitation at development ng lugar. Kaya’t naka-focus ang mga efforts sa pagtulong sa mga nangangailangan pagdating sa unang pangangailangan, pagkain, at gamot,” ayon kay Fr. Valencia.
Ang Caritas Manila ay nakakatutok sa home based-internally displaced persons.
Ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) may 38 evacuation centers para sa mga lumikas na residente na matatagpuan sa Iligan City, Balo-i, Pantar, Pantao Ragat at Cagayan de Oro City – habang may 200 libo katao naman ang mga home based IDP’s na nakikituluyan sa kanilang mga kamag-anak.