264 total views
Kapansin-pansin ang paglago ng pananampalataya ng mga kabataang kalahok ng St. Paul National Bible Quiz.
Ayon kay Fr. John Klen Malificiar, SSP –Project Coordinator ng SPBQ, matapos ang walong taong pagdaraos ng pagtitipon ay marami nang kabataan ang nabiyayaan ng kagalakan mula sa Panginoon na idinulot ng pagbabasa ng bibliya.
Kasabay nito, nasaksihan ng pari ang paglago ng pananampalataya ng mga kabataang taunang lumalahok sa SPNBQ, kaya naniniwala si Fr. Malificiar na magandang instrumento ang SPNBQ upang maipakilala ang Panginoon sa bagong henerasyon.
“Itong St. Paul National Bible Quiz, ito yung naging instrumento para ang mga kabataan lalo pa nilang makikilala ang Diyos at sa pamamagitan non, ito ay naipapamahagi nila sa ibang tao… Yung saya, galak, tuwa na dala nila after the contest, hopefully that will inspire them to persevere to continue yung magandang nasimulan, pagbabasa, pag-aaral ng bibliya,” pahayag ng Pari sa Radyo Veritas.
Samantala, ipinapakita rin sa SPNBQ na ang pag-aaral ng bibliya ay hindi lamang para sa mga matatanda.
Sinabi ni Fr. Malificiar na ang pagbabasa ng bibliya ay nakaakma sa anumang henerasyon o edad at ipinapakita sa S-PNBQ na maging ang mga millenials ay may potensyal na palalimin ang kanilang kaalaman sa bibliya.
Dahil dito umaasa ang pari, na magpapatuloy at maibabahagi ng mga kalahok sa kanilang pamilya at mga kaibigan ang biyayang dala ng pag-aaral sa mga turo ng Diyos at sa buhay ni Hesukristo.
“Our prayer sana itong bible quiz na ito ay maging daan para sa mga bata na lalo pa nilang pahalagahan ang buhay at lalo silang maging evangelizers of joy and they will also be an instrument of unity kung saan man sila [naroon]. They will also be our collaborators in spreading the faith, for other people to also know that God is a joyful God, a God who is mercy a God who is Love,” dagdag pa ni Fr. Malificiar.
Ngayon ang ikawalong taon ng St. Paul National Bible Quiz at sa darating na ika-16 ng Septyembre gaganapin ang Battle of the Champions sa SMX Convention Center sa SM Mall of Asia, Pasay City.
Dadaluhan ito ng 13 kupunan na itinuturing na best bible quizers mula sa 542 grupo na sumali sa Bible quiz ngayong taon.
Para sa mga karagdagang detalye kaugnay sa taunang St. Paul National Bible Quiz maaaring bisitahin ang website na www.stpauls.ph