485 total views
Higit sa salapi at materyal na bagay, ang pag-aalay ng buong sarili ang pinakamagandang handog na maaaring ibigay ng tao sa Panginoon.
Inihayag ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle na maggiging ganap lamang ang buhay ng isang indibidwal kung isusuko at i-aalay niya ang buong pagkatao sa Diyos Ama na lumikha ng sangkatauhan.
“Yung iba sobre [ang inaalay] pero napapaisip ako minsan, ang sarili kaya ini-aalay bilang karapat-dapat at kaaya-ayang handog na pagsamba sa Diyos? Wala man akong maialay na sobre, wala man akong maialay na Red ribbon, tulad ni Hesus sambahin ang Diyos Ama sa pag- aalay ng isang matuwid na buhay nasa loob man ng templo o hindi, ikaw ang buhay na handog, ikaw ang nararapat na handog na magbibigay parangal sa Diyos Ama,” panawagan ni Cardinal Tagle.
Ginawa ni Cardinal Tagle ang pahayag sa pagpapasinaya sa altar retablo ng St. Pancratius Chapel sa Paco Park, Manila.
Idinagdag ng Kanyang Kabunyian na hindi masusukat ng anumang halagang inaalay sa misa ang tunay na pagsamba sa Diyos bagkus ang pagsasabuhay ng tao sa turo ni Hesus.
“Sinasabi din ni San Pablo, ‘Offer your bodies as a living sacrifice, your spiritual worship pleasing to God.’ Kung papaanong si Hesus inialay ang kanyang buhay bilang pagsamba sa Diyos, tayo rin iaalay ang ating sarili,”pahayag ni Cardinal Tagle.
Tulad ng mga batang Santo na sina Francisco at Jacinta, una nang hinamon ng Kanyang Kabanalan Francisco ang bawat mananampalataya na maging pastol na buong pusong nag-aalay ng buhay sa Panginoon.