191 total views
Mananatili sa pangangalaga ng Diocese ng Kalookan ang magpinsang menor de edad na testigo sa pagkamatay ng 17-taong gulang na si Kian Loyd delos Santos sa isinagawang Operation Galugad ng Caloocan City Police sa Barangay Sta. Quiteria noong ika-16 ng Agosto.
Sa isang press conference, inilahad ni Caloocan Bishop Pablo Virgilio David ang mga naganap kung paano napunta sa Simbahan ang kustodiya ng mga saksi.
Pagbabahagi ni Bishop David dakong alas-dos y medya ng hapon ng Sabado ay nagkaroon sila ng pagpupulong sa San Roque Cathedral kasama ang mga kinatawan mula sa Public Attorneys Office, Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) at PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) upang talakayin ang kustodiya ng mga testigo na kasalukuyang nasa ilalim na ng pangangalaga ng Diocese of Caloocan.
Ayon sa Obispo, naipasa sa diyosesis ang pangangalaga sa mga testigo nang mangailangan ng protective custody ang mga bata matapos ang Senate inquiry.
Nilinaw ni Bishop David na naging maayos ang pagkakaloob sa kanila ng kustodiya ng mga testigo hanggang sa umapela ang ama ng mga bata na kalalabas lamang sa kulungan dahil sa kasong may kaugnayan sa droga na muling mabawi ang kustodiya ng mga menor de edad at ibigay ito sa pangangalaga ng PNP-CIDG at VACC.
Ayon kay Bishop David, nagkaroon ng pagkakataon ang mga bata at ama na makapag-usap ng pribado at napagpasyahan na tuluyang isailalim sa protective custody ng Simbahan ang mga testigo.
Dahil dito isang pormal na kasulatan at pahayag ng ama ang hiniling ng Obispo bilang katunayan na kusang loob niyang ipinagkakaloob sa Simbahan ang kustodiya sa mga menor de edad na testigo sa naganap na krimen.
Bukod dito, umapela rin ng proteksyon mula sa Simbahan ang mismong ama ng mga bata na kasalukuyang nasa ilalim ng pangangalaga ng PNP-CIDG mula nang siya ay makalaya sa kulungan.
Samantala, nilinaw rin ni Bishop David ang mga kumalat na maling balita o fake news na hindi niya pinahihintulutang makuha ng ama ng mga bata ang kustodiya nito mula sa Simbahan.
Ipinaliwanag ng Obispo na walang katotohanan at purong kasinungalingan lamang ang naturang balita sapagkat hindi niya pipigilan kung anuman ang magiging desisyon ng ama ng mga menor de edad.
“I am willing anytime na i-release sa inyo ang mga testigo ang sabi ko, ako basta hangga’t kailangan ng tulong ng Simbahan nandito kami, kung hindi na kami kailangan sige kung sinuman ang magti-take over ng custody sa kanila (sa mga menor de edad na testigo) ang pakiusap ko lang ingatan nyo sila” paglilinaw ni Bishop David.
Nanindigan naman ang Obispo na ang kaso ng pagpatay kay Kian ang nagmulat sa mga mamamayan ng masalimuot na sitwasyon ng karahasan sa lipunan at nagbigay tapang sa mga testigo na humarap at ihayag ang katotohanan sa naganap na insidente kaya’t mahalagang maprotektahan ang mga nasabing saksi.
“Ito yung parang talagang nagmulat sa atin, una nagsimula kay Kian sunod-sunod at dahil dun sa pagkakasunod-sunod nito ay unti-unting nagpamulat sa marami na siguro dapat nga tayong makinig, makinig doon sa mga usap-usap na hindi naman talaga nanlaban ang mga yan, matagal ko ng alam na marami sa mga tinawag na nanlaban ay hindi nanlaban kundi pinatay pero walang mga katulad ngayon na malakas ang loob na tumestigo…” dagdag pa ni Bishop David.
Giit pa ni Bishop David, magpapatuloy ang mga walang katuturang pagkamatay sa mga inosenteng sibilyan at mas dadami pa ang mga Kian Delos Santos at Carlo Angelo Arnaiz na mga kabataan na magbubuwis ng buhay hangga’t hindi babaguhin ng pamahalaan ang pamamaraan nito sa pagsugpo ng ilegal na droga sa bansa.
Ayon sa Obispo, nangangailangan ng seryosong pagsusuri ang kasalukuyang polisiya ng pamahalaan sa kampanya nito laban sa ilegal na droga kung saan napakarami ng mga namatay na inosenteng sibilyan.
Muling hinamon ng Obispo ang mga otoridad na magsagawa ng patas na imbestigasyon sa lahat ng kaso ng drug-related killings sa bansa upang patunayan na nananaig pa rin ang batas sa Pilipinas.