254 total views
Inihayag ni incoming CBCP Vice President Kalookan Bishop Pablo Virgilio David na nakahandang magbigay ng santuaryo ang simbahan sa sinumang mangailangan ng tulong.
Sa isang press conference, nilinaw ng Obispo na humingi ng tulong ang mga testigo ng kaso ni Kian Loyd Delos Santos sa simbahan dahil natapos na ang proteksyong ibinibigay ng senado nang matapos ang senate hearing.
Paglilinaw ni Bishop David, kusang ibinigay sa kanya ng mga magulang at guardian ang mga batang testigo upang mapangalagaan at maprotektahan ng simbahan laban sa anumang banta sa kanilang buhay.
“Naipasa sa akin ang custody pagkatapos ng senate hearing. Nung natapos na yung senate custody, nangailangan ng protective custody ang mga bata, at pinakiusapan ako at sabi ko naman anu mang maitutulong ng simbahan willing kami basta kailangan may pahintulot ng kanilang mga guardians, mga magulang,” bahagi ng pahayag ng Obispo sa pressconference.
Sa kabila ng tangkang pagkuha ng Criminal Investigation and Detection Group, napagpasyahan pa rin ng mga magulang ng mga batang testigo na manatili sa Diocese of Kalookan ang kustodiya ng mga bata.
Samantala, bukod sa santuaryong ibinibigay ng simbahan sa mga testigo, inalok din ni Bishop David si Roy Concepcion, ang ama ng mga bata na sumailalim sa drug rehabilitation program ng San Roque Cathedral dahil napag-alamang may drug related charges din si Concepcion at tinulungan lamang ng Public Attorney’s Office na makapagpiyansa.
“Yung ama may drug case sya and he needs rehabilitation, tapos sinabi ko rin kung kailangan mo ng rehab meron kaming programa dito sa San Roque Cathedral Parish… Kaya niyaya ko si Mang Roy tapos ang sabi nya “Opo” interesado sya, at kami natutuwa parati kapag kusang loob na gustong magbagong buhay nung tao, bigyan natin ng chance,” pahayag ni Bishop David.
Batay sa tala ng mga human rights advocates aabot na sa 13-libo ang drug related killings sa buong bansa sa ilalim ng Administrasyong Duterte.