190 total views
Umaasa ang Obispo ng Marawi na magkakaroon sila ng pagkakataon na makausap ang Santo Papa Francisco sa kanilang pagpunta sa Roma sa September 14 hanggang 16.
Si Bishop Edwin Dela Peña, kasama si Cotabato Archbishop Orlando Cardinal Quevedo, Cagayan de Oro Archbishop Antonio Ledesma at ilang Muslim leader ay dadalo sa isang interfaith dialogue sa Roma, Italy na inorganisa ng lay organization sa Italia na “Community SantEgidio.”
Ayon sa Obispo, hiniling nila ang pagkakaroon ng pulong kasama si Pope Francis.
“Hopefully by that time ay nakabalik na si Pope Francis from Colombia. Hopefully on the 16th sa hapon, they are trying to make arrangements,” pahayag ng Obispo sa Radio Veritas.
Unang nagpaabot ng kanyang pakikiisa at panalangin ang Santo Papa Francisco sa nangyayaring digmaan sa Marawi City.
Ang mensahe ay sa pamamagitan ni Ozamis Archbishop Martin Jumoad nang tumanggap ito ng palium na iginawad ng Santo Papa sa Roma.
“Baka magkaroon tayo ng opportunity to have a private audience to the Holy Father para maiparating na rin natin sa kanya ang sitwasyon ng ating mga tao dito sa Marawi, including the situation of the Prelature. It is very important to us to hear the message of the Holy Father para mabigyan kami ng lakas to go on. Also the hope to strive to rebuild our church, kasi talagang lugmok ang simbahan,” ayon pa kay Bishop Dela Peña.
Ang mga lider ng Simbahang Katolika at Islam ay magtutungo sa Roma upang makibahagi sa isasagawang interfaith dialogue seminar na inorganisa ng SantEgidio Community.
Ang Community SantEgidio ay isang ecumenical community sa Roma na kinikilala ng simbahan bilang lay organization na binubuo ng may 50 libong miyembro sa may 70 bansa.
Ang grupo ay itinatag noong 1968 na pangunahing programa ay maging tagapamagitan sa mga kaguluhan at tumulong sa mga nangangailangan at may sakit partikular na sa may HIV aids.
Makikipagkita sa Filipino community
Inaasahang ding makikipagkita ang mga Obispo sa mga Overseas Filipino Worker sa Roma para maihayag ang kalagayan ng Mindanao lalu na ang digmaang nangyayari sa Marawi City.
“Inform them what is happening in Mindanao. To bring us all together to Rome for them to be able to get enough knowledge in Mindanao in the Philippines. That is good …to show na kulang ang information na nakakarating sa kanila siguro. That’s why they want us to go and update them what is happening in the Philippines which is very good for us. We want the world to know what is happening to us here,” ayon kay Bishop Dela Peña.
Buwan ng Mayo nang nilusob ng ISIS-Maute group ang Marawi City na bukod sa tinangay ang mga manggagawa ng simbahan at si Fr. Chito Suganob ay sinira, sinunog at nilapaslangan din ng mga ito ang St. Mary’s Cathedral.
Sa mga pahayag ng Santo Papa Francisco, isinusulong nito sa mga bansang may digmaan ang pagkakaroon ng pag-uusap sa pagitan ng nag-iiringang panig.
Ayon kay Pope Francis, ang banayad ng pag-uusap ay ang kakayahang makinig na ang maaring resulta ay pagkakasundo sa kabila ng pagkakaiba.