319 total views
Ito ang panawagan ng mga magsasaka ng Barangay Sumalo , Hermosa, Bataan sa pagsasantabi ng Commission on Appointments kay Rafael “Ka Paeng” Mariano bilang kalihim ng Department of Agrarian Reform (DAR).Umaasa si Kapitan Rolly Martinez, tagapagsalita ng Sumalo farmers na itutuloy at susuportahan ng papalit na DAR Secretary ang pakikipaglaban ng mga magsasaka ng Sumalo sa lupang kanilang sinasaka na inangkin ng mga mayayamang negosyante.
“Nananawagan kami sa susunod na magiging secretary [ng DAR] na sana hindi lang yung kaso namin at yung iba pang kaso na nakabinbin na ang maging programa sana ay para doon talaga sa mga magsasaka at hindi doon sa mga panginoong may lupa. Hinihiling ko rin po na ituloy naman sana na ipamahagi na yung lupa sa mga tao,” pahayag ni Martinez.
Kaugnay nito, inihayag ni Martinez na sinasalamin ng pagkakatanggal sa puwesto ni Ka Paeng ang pangingibabaw ng tunay na interes ng makakapangyarihan persona sa Mababang Kapulungan ng Kongreso at Senado.
Magugunitang nag-martsa mula Bataan patungong Manila ang Sumalo farmers matapos ibakuran ng Riverforest Development Corporation ang 213-hektarya ng lupang kanilang sinasaka noong 2009 at kabiguan ng DAR na ipatupad ang inilabas na “Notice of Coverage”.
Muling nanawagan sa pamahalaan ang Sumalo farmers na tugunan ang social injustice na walong taon na nilang nararanasan.
Read: Malacañang, susugurin ng mga magsasaka ng Bataan
Una nang inilabas ng dating kalihim ang Special Order 405 o ang pagsasagawa ng ocular inspection ng kagawaran sa Bataan upang mangalap ng ebidensya at malaman ang tunay estado ng binakurang lupa.
Patuloy namang ipinaalala ni Pope Francis sa mga lider ng bawat bansa na pangalagaan ang karapatan ng maliliit na tao at indigenous groups sa lupang kanilang tinubuan.