221 total views
Muling ipinaalala ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa mga parokya ng Arkidiyosesis ng Maynila ang pagpapatunog ng kampana.
Ang pagpapatunog ng kampana sa loob ng limang minute ay magsisimula ngayong September 14 dakong alas-otso ng gabi sa kapistahan ng Exaltation of the Cross.
Layunin nito ang pag-alaala sa mga namayapa at ang pagdarasal para sa kanilang kaluluwa lalu na sa mga napaslang dulot ng karahasan at mga biktima ng aborsiyon.
“Alas 8 ng gabi, buhayin po natin sa lahat ng parokya ng Archdiocese of Manila, ang dating tradisyon na nawala na. Yung alas-8 ng gabi na kinakampana ang bells ng parokya bilang pag-alaala sa mga namatay. Pag-alaala kay Kristo na pinatay, pag-alaala sa mga taong patuloy na pinapatay ng kahirapan, pagkagutom, bisyo, bala ng karahasan, ng aborsyon. Ang tawag po dyan ay De Profundis, yun po ay dasal from the depths of my heart, I cry unto you oh Lord. Alas 8 ng gabi, alalahanin natin ang mga namatay sa ating pamilya, mga kamag-anak, kaibigan at ang patuloy pang pinapatay. Communion with Christ on the cross, communion with those who are bearing their cross,” ayon kay Cardinal Tagle.
Ang paalaala ni Cardinal tagle ay kasabay ng kanyang pagdiriwang ng misa para sa Bisperas ng kapistahan ng Exaltation of the Cross na ginanap sa Holy Cross Parish sa Makati.
Sa kanyang homiliya, pinaalalahanan ng kanyang Kabunyian ang mga mananampalataya na maging bahagi ng pagbubuklod sa halip na pagkakahati- hati.
Sinabi ni Cardinal Tagle na tulad ni Kristo ay maging daan ang bawat isa ng pagkakasundo-sundo sa halip na maging dahilan ng kaguluhan.
Sa inilabas na pastoral letter, pinaalalahanan ni Cardinal Tagle ang mga lider na hindi maaring pangasiwaan ang bansa sa pamamagitan ng hindi makataong pagpatay.
Read: Reflect, Pray and Act
Bukod kay Cardinal Tagle, kabilang sa nakipag concelebrate ang kura paroko na si Fr. Alfonzo Veleza at mga pari mula sa archdiocese of Manila.
Sa tala ng catholic hierarchy.com 2014, ang arkidiyosesis ay binubuo ng may 700 mga pari sa may 85 parokya para maglingkod sa higit 3 milyong mga katoliko.