175 total views
Magsasagawa relief at rehabilitation intervention ang Social Action Center ng Diocese of San Pablo sa lalawigan ng Laguna matapos magdeklara ang lokal na pamahalaan ng state of calamity sa buong probinsiya dahil sa naging epekto ng Tropical Depression Maring.
Ayon sa ulat na ibinahagi ng tanggapan ng Social Action Center sa Diocese ng San Pablo, kasalukuyan na silang naghahanda para sa pagsasagawa ng ‘rapid assessment’ partikular na sa mga munisipalidad na nasa paligid ng Laguna Lake.
Batay sa datos ng Lokal na Pamahalaan ng Laguna, umabot sa 1,627 pamilya ang nagsilikas dahil sa mga pagbaha na dinulot ng bagyong Maring habang umabot sa 12 milyong piso ang pinsala sa imprastraktura at mahigit 6 na milyong piso naman sa mga palayan.
Samantala, 2 bata ang nauna nang idineklarang nawawala at natagpuang patay sa isang bahagi ng ilog sa Calamba City dahilan upang umabot na sa 7 ang nasasawi sa Calabarzon area matapos ang pananalasa ng bagyong Maring.
Sa datos ng Department of Social Welfare and Development o DSWD, umabot sa mahigit 2 libo ang mga pamilyang naapektuhan ng bagyo na kasalukuyan nang nasa labas ng Philippine Area of Responsibility.
Kaugnay nito nagpahayag na ng intensyon ng pagtulong ang Caritas Manila sa mga lugar na naapektuhan ng pananalasa ng bagyo.
Magugunitang ang Simbahang Katolika ay aktibo sa pagpapalakas ng Disaster Risk Reduction And Response program nito dahil na rin sa mga kalamidad na madalas maranasan sa bansa.