363 total views
Mga Kapanalig, marami sa atin ang nabibighani sa marangyang pamumuhay ng ibang tao, samantalang para sa mga taong nagdurusa at nangangailangan, maaaring hindi man lang tayo lilingon kung nasa balita sila.
Headline sa mga balita ang mga kasal na nagkakahalaga ng milyun-milyong piso. Kaliwa’t kanan ang mga palabas tungkol sa mga magagarang bahay, mamahaling mga damit, at mga bagong makakainan. Laman din ng mga balita ang mga taong pinagkakagastusan ang pagpapaganda ng itsura at katawan.
Ngunit ilan sa atin ang nabibigay ng panahon upang malaman ang balita tungkol sa kalagayan ng mga Rohingya, isang grupong etniko sa Myanmar? Sa nakalipas na dalawang linggo, mahigit 270,000 sa kanila ang napilitang lisanin ang kanilang kinalakihang lugar. Ethnic cleansing na nga ang tawag ng mga human rights advocates sa nangyayari sa mga Rohingya dahil lumalabas na sinasadyang sunugin ng militar ang kanilang mga bahay at pinapatay ang marami sa kanila. Paraan daw iyon ng pamahalaang ng Myanmar upang itaboy ang mga taong hindi nila kinikilalang mamamayan.
Ano naman ang nalalaman natin tungkol sa mga taga-Yemen sa Gitnang Silangan na nababalot pa rin ng karahasang dala ng away ng mga rebelde at pamahalaan? Wala nang pinipili ang mga airstrikes—kahit mga kabahayan, binobomba. Marami na ang namatay hindi lamang dahil sa mga putukan kundi pati sa sakit na cholera. Mahigit kalahating milyong kaso na ng cholera ang naitatala at mahigit 2,000 na ang namatay.
Huwag na tayong lumayo, mga Kapanalig. Dito sa Pilipinas, maliban sa mga pinaghihinalaang gumagamit at nagtutulak ng droga, nagiging target na rin ng pagpatay ang mga kababayan nating Lumád. Noong nakaraang linggo, naitala ang ika-47 na Lumád na napatay (o pinatay) mula nang manungkulan si Pangulong Duterte. Siya si Obillo Bay-ao, Grade 6 sa isang tribal school sa Davao del Norte. Sinasabing miyembro ng paramilitary group ang pumatay sa kanya. Ayon sa grupong Save Our Schools Network, naging malakas ang loob ng mga puwersang tumutugis sa mga sinasabing komunista sa Mindanao dahil na rin sa banta ng pangulo na bobombahin ang mga eskuwelahan ng mga Lumád na aniya’y nagtuturo sa mga katutubong maging subersibo.
Ilan lamang ito sa mga balitang nakikipag-agawan sa ibang balita para sa ating atensyon. Ngunit bihira ang mga itong makasama sa “ulo ng mga nagbabagang balita.” Samantala, ang mga kuwento tungkol sa mga dumalo sa isang magarbong kasalan o tungkol sa halaga ng damit na isinuot ng isang celebrity ay nabibigyan ng mas mahabang oras. Mas binibigyan ng panahon ang pag-alam sa detalye ng intrigang kinasasangkutan ng mga artista at pulitiko. Marahil, nagsasawa na tayo sa mga kuwentong lungkot at takot ang dala. Sa kabilang banda, hindi kaya nagiging manhid na tayo? Hindi kaya dahil sa dami ng taong nawalan ng tahanan sa Myanmar, sa dami ng mga may cholera sa Yemen, o sa dami ng napapatay sa ating bansa, mas pinipili nating ibaling ang ating atensyon sa iba?
Minsan nang kinundena ni Pope Francis ang tinawag niyang “sin of indifference,” ang kasalanan ng pagkawalang-pakialam lalo na sa mga nagugutom, mga biktima ng pananamantala, at iba pang naghihirap. Aniya, nakakalungkot na maraming tao ang pinipiling hindi makita ang maraming anyo ng kahirapang nangangailangan ng pagmamalasakit. At kung susuriin natin ang laman ng mga balita sa telebisyon, dyaryo, at lalung-lalo na sa social media, tila nagiging instrumento na nga ang media ng paglaganap ng kawalang-pakialam. Nahulog na rin kaya tayo sa patibong ng kawalang-pakialam?
Mga Kapanalig, hindi man natin direktang matutulungan ang mga taong nangangailangan, sikapin nating intindihin ang mga mas seryosong isyu sa ating lipunan. Paglaanan ng panahon ang mga ito upang malaman kung sa ating pang-araw-araw na pamumuhay—sa ating mga pinagkakagastusan, mga tinatangkilik na produkto, mga hinahangaan, at kahit sa paraan ng pakikisalamuha sa iba—naisasaisip natin ang mga kapwa nating hindi natin kasimpalad.
Sumainyo ang katotohanan.