225 total views
Labis ang pasasalamat ni Marawi Bishop Edwin Dela Peña matapos makalaya ng buhay si Rev. Fr. Chito Sunganob mula sa apat na buwang pagkakabihag ng grupong Maute sa Marawi.
Ayon kay Bishop Dela Pena, isang milagro na maituturing ang pagkakabawi kay Fr. Suganob at malaki ang naitulong ng pagdarasal ng mga mananampalataya para sa kanyang kaligtasan.
Gayunpaman, naniniwala si Bishop Dela Pena na hindi pa ito sapat upang tuluyang magdiwang lalo na’t ilang pang mga hostages ang hawak pa ng grupong Maute at nagpapatuloy pa din ang kaguluhan sa lugar.
“kami po ay nagpapasalamat at nagagalak na wakas siya ay nakalaya na, Salamat sa mga panalangin ng lahat. Lahat tayo ay nanalangin para sa mga bihag at ito nga malaking surprise para sa amin na siya ay nakalaya na nga. We are very happy thankful and grateful to all the people who supported us at wag natin kalimutan na meron pa din tayong mga kapatid na hawak ng mga Maute sa ngayon kaya ituloy natin ang panalangin sa kanila.” Ani Bishop Dela Peña sa panayam ng Radio Veritas.
Kaugnay nito, palalakasin pa ng Simbahang katolika ang pagtulong sa mga Internally Displaced Persons sa Marawi.
Nakipagpulong si Bishop Dela Peña sa ilang kinatawan ng mga Diyosesis sa Metro Manila upang umapela ng suporta sa programang ‘Duyog Marawi’.
Inaasahan na sa pamamagitan ng Duyog Marawi ay maraming komunidad ang mabibiyaan ng tulong sa pamamagitan ng pagkanlong dito ng bawat Diyosesis.
“plano natin na paigtingin pa ang pagtutulugan ng mga Muslim and Christians working together ito ang magandang mensahe para sa kaguluhan na sa buong mundo ngayong nasasangkot ang violent extremism makita nila ang Muslim at Kristiyano ay nagtutulugan at lalong umiigiting, lalong nagiging maigiting ang pagtutulungan sa bawat isa that is the antidote to extremism.” Dagdag pa ng Prealtura ng Marawi.
Magugunitang nasa 359,680 ang bilang ng mga Internally Displaced Persons dahil sa kaguluhan sa Marawi.