214 total views
Bawiin ang dangal ng bawat Filipino sa pamamamagitan ng pagwawaksi ng galit at pahihiganti.
Ito ang binigyan-diin ni Kalookan Bishop Pablo Virgilio David sa misang isinagawa sa San Agustin Church para sa mga biktima ng karahasan, kasabay na rin ng pagdiriwang ng ika-45 taon ng deklarasyon ng Martial Law.
Ayon sa Obispo, sa halip na tumugon sa mga masasamang salita sa Social Media, sa mga pang- iinsulto at pagmumura ay iganti ang kabutihan.
Inihalintulad din ng Obispo sa isang uri ng anay ang kasamaan sa pagkilos para sirain ang bawat konsensya.
“Huwag po tayong magpatalo sa mga anay, huwag tayong makipagmurahan sa social media, wala tayong kahihinatnan sa ganoon. Huwag nating gantihan ng insulto ang pang-iinsulto nila sa atin. Iwaksi natin ang kalupitan, iwaksi ang karahasan. Ibangon na muli ang ating dangal bilang isang bayan.”
Muli ding nanawagan ang Obispo hinggil sa nagaganap na patayan sa mga hinihinalang drug addict at patuloy na nanawagan na hindi dapat paslangin ang mga lulong sa droga bagkus ay tulungan sa pagbabago.
“Talikuran natin ang masama, panindigan natin ang mabuti. Huwag gagantihan ang masama ng masama, sa halip pagtagumpayan natin ang kasamaan sa pamamagitan ng kabutihan,” bahagi pa nang homiliya ni Bishop David.
Una na ring tumugon ang Simbahan sa panawagan na pagsugpo sa ilegal na droga sa pamamagitan ng pagbuo ng community-based rehab program sa mga drug addict.
Sa ulat, higit sa 1 milyon na drug surrenders, malaking porsiyento sa mga ito ang maaring sumailalim sa community-based program na inoorganisa ng simbahan, NGO’s katuwang ang gobyerno at lokal na pamahalaan.