174 total views
Matagumpay ang naging paglulunsad ng bagong programang Good Samaritan Mission ng Radio Veritas sa pakikipagtulungan ng Caritas Manila sa Sto. Niño de Baseco Sub Parish, Baseco Compound, Tondo, Manila.
Bahagi ng programa ang pagkakaloob ng basic medical services at pagbabahagi ng Caritas Manila sa ilan sa mga pangunahing proyekto nito para sa mga residente ng Barangay 649 Baseco, Tondo.
Itinuturing namang biyaya ni Rev. Fr. Arnold Santa Maria – Parish Priest of Sto. Niño de Baseco Sub Parish ang paglulunsad ng programa sa kanilang parokya na nagpapakita kung papaanong ang binhi ng pananampalataya na mula sa Diyos ay maibabahagi sa kapwa sa pamamagitan ng pagtulong at paglilingkod sa mga nangangailangan.
“Salamat po sa inyong mainit na pagdating dito sa Sto. Niño de Baseco Sub Parish at napakalaking biyaya ang inyong ginawa sa amin sa pakikipagtulungan ng Radio Veritas sapagkat ang maraming nangangailangan ng kagalingan ay nakarating sa kanilang katauhan kung papaano ang gagawing paglilingkod at serbisyo ng medical mission sa ating parokya. Isang pagpapakita na kung papaanong ang binhi ng pananampalataya ay patuloy na ibinibigay ng Diyos sa atin sa pamamagitan ng ginagawa nating paglilingkod na ito. Lubos lubos na nagpapasalamat at ramdam na ramdam namin kung papaanong ang Baseco ay isang tanda na ibinibigay ng DIyos na ipinakikitang dito ay mayroong binhi din ng pananampalataya.” pahayag ni Father Santa Maria.
Batay sa opisyal na tala, umabot sa higit 700 ang natulungan ng Good Samaritan Mission sa Sto. Niño de Baseco Sub Parish Baseco, Tondo kung saan sa bilang na ito 410 ang nabigyan ng tulong medikal, 170 sa optical at 106 naman sa dental sa pamamagitan ng tulong ng 15 mga volunteers doctors and nurses na nagkaloob ng kanilang libreng serbisyo.
Bukod dito, umabot naman sa higit 50 ang tumangkilik sa mga programa ng Caritas Manila partikular na ng Caritas Margins para sa livelihood program, Caritas Salve na maaring magpahiram ng puhunan upang makapagsimula ng maliit na mapagkakakitaan at Caritas Et Labora na nagkakaloob ng tulong sa mga nagnanais na magkaroon ng trabaho.
Ang Good Samaritan Mission ay bahagi ng pagpapalawig ng Radyo Veritas sa misyon nitong palaganapin ang habag at awa ng Panginoon sa pamamagitan ng malawak na serbisyo publiko sa pakikipagtulungan ng Caritas Manila na siyang Social Action Arm ng Archdiocese of Manila.
Mapakikinggan ang Good Samaritan Mission program tuwing ikalawa at ikaapat na linggo ng buwan, ganap na alas-otso hanggang alas-syete nang umaga sa himpilang Radio Veritas.