267 total views
Nanawagan na rin ang Filipino Community sa Rome, Italy para sa pagtatapos ng digmaan sa Marawi city.
Ayon kay Sister Beth Pedernal ng Sentro Filipino Chaplaincy sa Diocese ng Rome, nawa’y matapos na ang kaguluhan sa Marawi upang makabalik na ang mga lumikas at masimulan na ang kanilang pagbangon matapos na masira ang kanilang mga tahanan at kabuhayan dahil sa digmaan.
“Nais namin ang katahimikan at makabalik na rin ang mga kababayan nating nasa camps sa kanilang mga tahanan. May mga pag aaral kaming ginagawa tulad ng forum upang maipaliwanag pa ang kadahilanan at paano makarulong sa pagbubuong muli ng komunidad,” ayon kay Sr. Pedernal na nakabase sa Roma.
Sa kabila nito, patuloy namang nakikibalita ang Filipino Community sa Italya hinggil sa kalagayan ng bansa sa pamamagitan ng pag-imbita ng mga kababayan nating nakaranas sa kaguluhan.
“We want to strengthen it’s campaign and hoping for support to the humanitarian initiatives in response to the ongoing Marawi Crisis and the continuing evacuations of Lumad communities due to military attacks. As a Church institutions we speak out and call for support for the communities under attack,” dagdag pa nang madre.
Tinatayang may 108 libong Filipino ang nasa Italya na karamihan ay naninirahan at nagtatrabaho sa Roma.
Una na ring nagtungo sa Roma si Marawi Bishop Edwin Dela Peña kasama ang ilang obispo habang sa September 28 naman ay dadalo rin sa pulong sina Amirah Ali Lidasan, tagapagsalita ng Kalinaw ng Mindanao.
Sinabi ni Sister Pedernal na bahagi din ng balitaan sa kalagayan ng bansa, at pagkalap na rin ng kaukulang tulong sa mga biktima ng digmaan.
Kamakailan lamang ay nagdonate ng may 100 kaban ng bigas ang chaplaincy para sa mga nagsilikas na residente na apat na buwan nang nanatili sa evacuation centers at nakikipanirahan sa kanilang mga kaanak.
Sa pinakahuling ulat, may 300 libo katao ang nagsilikas sa lungsod, habang naitala na rin sa may 800 ang nasasawi sa patuloy na digmaan.
Sa isang mensahe ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle, kaugnay sa Share the Journey Campaign ni Pope Francis, hinikayat nito ang mga Filipino na makibahagi sa mga migrante at mga biktima ng karahasan.
Aniya ang pagdamay sa mga nangangailangan ay nagdudulot ng paggaan sa kanilang pagdadalamhati bukod sa tulong na natatanggap.