312 total views
Hindi maaring palitan ng teknolohiya ang kaalaman at kasanayan ng mga guro sa paghuhubog ng mga mag-aaral.
Ayon kay Fr. Nolan Que, National Capital Region Trustee ng Catholic Educational Association of the Philippines, ang pagiging guro ay hindi lamang isang propesyon kundi isang bokasyon kaya’t marapat na ituro sa kabataan ang hamon ng buhay.
Paliwanag ng pari, ang teknolohiya ay isang tulong lamang sa pag-aaral subalit higit na mahalaga ay ituro sa mga bata ang mga kasanayan na kailangan nilang malaman.
Ang mensahe ng pari ay kaugnay na rin sa pagdiriwang ng World Teachers Day na isang pagkakataon para sa lahat na magpasalamat sa ating mga guro na naghubog hindi lamang sa ating kaalaman kundi maging sa ating pamumuhay at pagkatao.
“Technology help us na maaring maging madali, but let us not do away the reality of life na hindi talaga madali ang buhay and so prepare them for that doing so and we are executing them the realities of life we are really educating them to the Christian faith,” ayon kay Fr. Que sa panayam ng Radio Veritas.
Aminado si Father Que na malaking epekto sa murang kaisipan ng mga bata ang modern technology advancement.
“But let us always remember it can also harm young mind kaya I always believe that if it is a help it has to be use properly. Hangad ko pa rin ang mga teacher ay maturuan ang mga bata na magsulat at magbasa kaysa manood for me writing, reading these are very important skills that we had to teach our young people. Because nowadays with our technology advancement maraming ng mga bata na hindi marunong magsulat, magbasa they prefer other things,” ayon kay Fr. Que.
Sa isang mensahe ni Pope Francis para sa mga guro, binigyang halaga nito ang gawain ng mga guro sa kanilang pagtitiyaga at kapakipakinabang na gawain na hindi lamang nagtuturo kundi mga saksi sa pamamagitan ng pagbibigay ng mabuting halimbawa sa mga kabataan.
Sinabi pa ng pari na hindi dapat tingnan ng bawat guro ang kanilang gawain bilang pinagkukunan ng kabuhayan kundi isang mahalagang bokasyon sa paghuhubog ng kabataan.
Ang Department of Education ay may tinatayang higit sa 692 libong mga guro sa pampublikong paaralan habang may 177 libo naman ang mga guro sa pribadong paaralan.
Sa mga pampublikong paaralan, nasa salary grade 13 o higit P22 libo ang natatanggap na buwanang sahod ng mga guro.