175 total views
Ibinahagi ni Radio Veritas Vatican Correspondent Father Greg Gaston, Rector ng Pontificio Collegio Filipino sa Roma ang naging mensahe ng Kanyang Kabanalan Francisco sa kanyang lingguhang katesismo kaugnay sa pag-asa.
Ayon sa Pari, bilang bahagi ng kapistahan ni St. Francis of Asisi ay hinimok ng Santo Papa ang mga mananampalataya na tularan ang ibinigay na pag-asa ni St. Francis sa pagbubuong muli ng simbahan.
Aniya, sinabi pa ni Pope Francis na nawa sa panahon ngayon na umiiral ang kaguluhan at pagkakawatak-watak sa iba’t-ibang panig ng mundo ay maging “Missionaries of Hope” ang bawat Kristiyano upang patuloy na manalig at magtiwala ang bawat isa sa pag-ibig ng Panginoon.
“Sabi niya nga dapat ay missionaries of hope tayo, so pinapadala din tayo ng ating Santo Papa na sana ay magdala tayo ng pag-asa sa buong mundo kagaya ni St. Francis nung time niya ay talagang medyo down ang simbahan, kaya si St. Francis ay talagang naging missionary siya ng pag-asa at sinabi nyang hindi ito [materyal na yaman] yung magbibigay ng pag-asa so talagang give-up nya lahat at naging model din siya sa ating simbahan,” ang pahayag ni Fr. Gaston sa Radyo Veritas.
Samantala, pinaliwanag ni Fr. Gaston ang mensahe ni Pope Francis na ang pagsunod kay Kristo at paghahasik ng pag-asa sa kapwa ay dapat magpatuloy sa ng mga pang-uusig.
“Sabi niya nga kailangan maging constant tayo kasi we will also experience persecution na hindi lahat makakaunawa, pati si St. Francis yung tatay nga mismo hindi matanggap-tanggap na iniwan niya lahat kaya tayo ganun din hindi din tayo maunawaan ng lahat pero patuloy lang tayo, of course ang ating Panginoon ay kasama natin,” dagdag pa ng Pari.
Kaugnay nito, inilunsad noong Septyembre ng Santo Papa ang Share the Journey migrants campaign na layong magbigay ng pag-asa sa mga migrante at refugees na pangunahing apektado ng mga kaguluhan partikular na sa bahagi ng Africa.
Ayon sa United Nations High Commissioner for Refugees, mahigit 65.6 na milyong indibidwal sa buong mundo ang nangangailagan ng pagkalinga at pag-asa dahil ang mga ito ay napipilitan lamang na umalis mula sa kanilang tahanan dahil sa mga karahasan at kaguluhan.