217 total views
Magsasagawa ng Prayer Vigil ang Commission on Youth ng Diocese of Libmanan para ipanalangin ang katarungan sa mga nasawi mula sa marahas na kampanya ng pamahalaan kontra iligal na droga.
Ayon kay Trixia Perez – Diocesan Youth Coordinator, nais nilang palawakin ang kaalaman ng mga kabataan kaugnay sa kahalagahan ng buhay na biyaya ng Panginoon sa tao.
Sa pamamagitan ng prayer vigil ay naipapakita ng mga kabataan sa kanilang Diyosesis ang aktibong pakikisangkot sa mga usaping panlipunan na kinakailangang tugunan ng simbahan.
“Gusto naming maging aware yung mga youth ng Diocese at the same time, uso ngayon yung issue ng EJK so bilang part ng Church nakikisali kami sa usapin na yan sa pamamagitan ng pagvi-vigil,” bahagi ng pahayag ni Perez sa Radyo Veritas.
Mamayang alas singko ng gabi sisimulan ang Prayer Vigil sa Diyosesis sa pamamagitan ng banal na misang pangungunahan ni Libmanan Bishop Jose Rojas.
Susundan ito ng pananalangin ng Santo Rosaryo at banal na prusisyon alay sa mga nasawi mula sa war on drugs at mga biktima ng Extrajudicial Killings.
Umaasa ang Diyosesis na sa pamamagitan nito ay matutulungan ang mga kabataan na malayo sa masamang bisyo at sa karahasang dala ng kampanya kontra iligal na droga.
Batay sa pagtataya ng Human Rights Advocates umaabot na sa 13,000 ang mga napatay na may kinalaman sa illegal na droga mula nang maupo bilang Pangulo ng bansa si President Rodrigo Duterte.
Nanawagan na rin ang Catholic Bishops Conference of the Philippines sa mga pulis na maaaring tumestigo kaugnay sa extra-judicial killings na huwag mag-atubiling lumapit sa simbahan upang mabigyan sila ng pagkalinga.