1,610 total views
Pang-unawa ng publiko ang hinihiling ng Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) kaugnay sa kanilang hirit na dalawang pisong dagdag sa minimum na pasahe sa mga pampasaherong jeep.
Ayon kay FEJODAP National President Zeny Maranan, nabuo ang kanilang petisyon dahil sa patuloy na pagtaas ng halaga ng produktong petrolyo, mga spareparts at service fee ng mga lokal na pamahalaan.
“Kaya kami nagfile ng aming petisyon ng pagdagdag ng dalawang piso kasi po lumampas na kami sa benchmark. Kung titingnan mo, sa bawat 50 sentimo kasi na idinadagdag sa krudo natin ay nawawalan ang ating mga tsuper ng P100 kaya’t yan ang tunay na dahilan,” pahayag ni Maranan sa Radio Veritas.
Kaugnay nito ay naki-usap si Maranan sa mga pasahero na unawain ang kalagayan ng mga tsuper na may binubuhay rin na mga pamilya.
“Sa katotohanan, ayaw rin naman naming pahirapan ang ating mananakay pero wala naman kaming magagawi kasi hindi pupwede na sila lamang ang mabubuhay at ang ating mga tsuper ay hindi mabubuhay dahil may pamilya rin naman ang mga ito,” dagdag pa nito.
Magkakasamang inihain ng mga transport groups tulad ng Pasang Masda, Alliance of Transport Organizations, Liga ng Transportasyon ng Pilipinas at FEJODAP ang petisyon sa tanggapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) noong ika-19 ng Setyembre habang isasagawa sa ika-11 ng Oktubre ang kanilang pagdinig.
Kung mapagbibigyan ng LTFRB, mula sa walong piso na minimum na pamasahe ay magiging sampung piso na pamasahe sa mga pampasaherong jeep.
Sa kanyang pagtangkilik sa pampublikong transportasyon, magugunitang una nang tinaguriang ‘Public Transport Pope’ ang Kanyang Kabanalan Francisco dahil mas pinipili nitong bumyahe sakay ng mga pampublikong sasakyan sa halip na magagarang kotse.